Iniulat ng independiyenteng grupo ng mga eksperto na tumaas pa sa 41% ang hospital bed occupancy para sa COVID-19 sa National Capital Region (NCR) kumpara noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng OCTA Research Group, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Linggo, lumilitaw na ang bilang ng mga okupadong hospital beds para sa mga COVID-19 patients sa NCR ay tumaas mula sa 1,381 lamang noong Disyembre 24 ay naging 1,942 na noong Disyembre 31.
Maging ang intensive care unit (ICU) occupancy rate ay tumaas ng 37% o mula 231 ay naging 316 sa kaparehong panahon.
“The number of occupied hospital beds for COVID-19 in the NCR increased by 41% over a span of one week, from 1,381 on December 24 to 1,942 on December 31,” ani David. “ICU occupancy for COVID-19 increased by 37%, from 231 to 316, over the same period.”
“Overall, hospital bed occupancy in the NCR is at 23% while ICU occupancy is at 25%, both considered to be very low at this time,” ayon pa kay David.
Paglilinaw naman ni David, 'very low' pa rin ito sa ngayon dahil ang critical level threshold dito ay 70% occupancy.
Mary Ann Santiago