Hindi malilimutan ni Kapuso actress Marian Rivera ang taong 2021 dahil naranasan niyang maging hurado sa prestihiyosong Miss Universe pageant na ginanap sa Israel.

Sa panayam sa kaniya ng Philippine Entertainment Portal o PEP, ibinahagi ni Marian na marami siyang natutuhan mula sa kaniyang karanasan, partikular mismo kay Miss Universe President Paula Shugart. Aminado siya na mas lumalim pa ang kaniyang pananaw sa kahulugan ng kagandahan.

“Hindi ko malilimutan ‘yong sinabi sa akin ni Ms. Paula. Sabi niya, ‘Marian, ang hinahanap natin sa Miss Universe, ‘yong kaya niyang dalhin ‘yong sarili niya. Na kailangan kapag ginagawa niya ang isang bagay, masaya siya,’” pagbabahagi niya.

“‘At the same time, parang… I don’t care kung mahaba ‘yong buhok, maikli, payat, matangkad, o whatever. Gusto ko, kung paano niya dalhin ang sarili niya.’”

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Ibinahagi nga niya sa Instagram ang kanilang litrato.

"It was great meeting you @realpaulashugart Learned so much from you, thanks for sharing your wisdom with us — that the most important thing is staying authentic and that true beauty is how you carry yourself ☺️ #MarianXMissU," caption ni Marian kasama si Paula Shugart.

Marian Rivera at Paula Shugart (Screengrab mula sa IG)

Hindi rin aniya mahalaga kung kaya bang sagutin ng kandidata ang mga tanong sa pamamagitan ng wikang Ingles; ang mahalaga, naipapahayag nito nang maayos ang sarili, at may kabuluhan ang sinasabi nito.

Higit pa umano sa pisikal na kagandahan, mas mahalaga pa rin umano ang pagkakaroon ng mabuting kalooban, buo, at mabuting intensyon para sa ibang tao.

“Sabi ko naman sa inyo, ‘di ba? Hindi naman ako mapagpanggap. Kung ano ang nararamdaman ko, ‘yon ang gagawin ko. Kilala n’yo naman ako, ‘di ba? Siguro mas napagtibay talaga na mas maganda ang mangyayari sa’yo kapag totoo ka sa sarili mo."

Bukod sa mga natutuhan, masaya rin siya dahil nakatagpo siya ng mga bagong kaibigan sa mga kapwa hurado, lalo na si Urvashi Rautela. Naging viral pa ang video nila na sabay na sumasayaw ng 'Sabay Sabay Tayo' na pinasikat ni Marian, na ipinakilala rin bilang recording artist.

Higit sa lahat, mas tumibay pa raw ang relasyon nila ng mister na si Dingdong Dantes, na buong-buo ang suporta sa kaniya. Naging 'water boy' pa nga ito sa kaniya.

“Before this trip ends I’d like to thank the best husband I could ask for — from being my cheerleader to waterboy, thank you for everything that you do for us. Thanks for creating memories with me so that we can look back at them together,” aniya sa isang Instagram post.

Dingdong Dantes at Marian Rivera (Screengrab mula sa IG/Marian Rivera)