Arestado ang isang Chinese national matapos tanggapin ang package na naglalaman ng ilegal na droga mula sa app-based courier sa Taguig City nitong Disyembre 13.

Kinilala ang suspek na si Xingchao Li, 29, isang Chinese national, pansamantalang nanunuluyan sa McKinley, Taguig City.

Ayon sa ulat ng Southern Police District, dakong 2:59 ng hapon nitong Lunes pinick-up ng Lalamove rider ang parcel sa Baclaran area at bilang bahagi ng protocol sa pagtanggap niya  ng parcel mula sa sender na si Xiaofei tinangka nitong kunan ng litrato ang parcel subalit tumanggi ito at nag-abot ng P100 sa rider.

Nabatid na matapos makuha ng delivery rider ang parcel ay ilang beses pang nagbago ng drop off location o lugar na babagsakan kaya nagduda ang una at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Sub Station 1.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Pagdating sa McKinley West area sa Taguig City, hindi matagpuan ng delivery rider ang  receiver o tatanggap ng parcel sa ibinigay na lugar.

May nasalat din na kakaiba ang delivery rider sa laman ng parcel kaya minarapat na suriin ang package dito nadiskubre ang isang selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek na si Li nang tanggapin nito ang parcel. 

Samantala kaugnay ng insidente nagsagawa ng entrapment operation ang Taguig Drug Enforcement Unit laban sa sender ng parcel subalit hindi pa nahuhuli. Dinala si Li sa tanggapan ng SDEU para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Bella Gamotea