Ibinalita ni Undersecretary Alain Pascua na naipasa na sa senado ang magiging budget ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2022, batay sa kaniyang Facebook post.
"DepEd 2022 Budget, Naipasa na"
"Matapos ang masusing deliberasyon sa Senado, ang 2022 budget ng DepEd, na may halagang mahigit sa ₱629 bilyon, ay naipasa na," ayon mismo kay Usec Pascua.
Si Senator Pia Cayetano umano ang tumayong budget sponsor ng DepEd, kung kaya't ikinagalak niya at binati ang DepEd dahil sa matagumpay na pagtalakay ng budget. Present din sa senado ang DepEd Secretary na si Leonor Briones.
"Nasa anim na porsyento ang taas ng 2022 budget ng DepEd kumpara sa 2021, kung saang layunin pa rin ang paigtingin ang kalidad na edukasyon sa bansa, sa pamamagitan ng expansion ng ligtas na face-to-face classes, at suportahan ang Basic Education -Learning Continuity Plan (BE-LCP)," saad pa ng usec.
Inihahanda na rin ang mga paaralan para sa posibleng pagbabalik sa face-to-face classes sa 2022. Nagsimula na nitong Nobyembre ang limited pilot implementation ng face-to-face classes sa ilang mga lugar sa bawat rehiyon at lalawigan, lalo na sa mga may mabababang kaso ng COVID-19.