Malamig na pasko ang ipagdiriwang ng mag-asawang sina Sheila Mae at Jessie Borolan matapos maging malamig na bangkay ang lima nitong anak dahil sa landslide sa Purok 2, Sitio Sawsaw, Barangay Mandulog.
Kinumpirma ng Iligan City Disaster Risk Reduction Management Office na namatay ang magkakapatid na may edad pitong buwang gulang, dalawang taon, apat na taon pitong taon, at walong taong gulang na anak ng mag-asawa.
Himala namang nakaligtas ang mag-asawa sa trahedya.
Ayon sa councilor ng lugar, tulog ang magkakapatid nang mangyari ang landslide at hindi rin umuulan ng mga oras na iyon.
“The three children and their mother were brought to a private hospital while the two kids and their father were brought to the city hospital. Unfortunately, all five children died. Their mother is being observed and with intravenous fluid,” ani Councilor Eric Gabonada.
Ayon sa salaysay ng mag-asawa, mabilis naganap ang pangyayari kaya naman ay hindi na nila nagawang makahingi ng tulong.
Sinubukan pang dalhin ng mag-asawa ang mga anak sa dalawang ospital — Adventist Medical Center at Gregorio T. Lluch Memorial Hospital (GTLMH), ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Ang pag-ulan sa lugar ay dala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na siya namang itinuturong sanhi ng paglambot ng lupa na nagresulta sa biglaang pagguho nito.