Sinabi ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo nitong Martes, Nobyembre 2 na malapit na niyang ilabas ang coronavirus disease (COVID-19) response plan na balak niyang isagawa kung sakaling mahalal na pangulo sa susunod na taon.
Hinikayat din niya ang "kakampinks", tawag sa kanyang mga supporters, na tulungan ang mga biktima ng COVID-19.
“Bukas, maglalabas kami ng video. Balangkas ito ng plano para makalaya tayo sa COVID. Base ito sa pakikipag-usap natin sa mga eksperto, kasama na dito ang mga epidemiologist, mga public health consultants, mga ekonomista, at iba pa," ani Robredo sa isang video message na ipinost sa kanyang opisyal na Facebook page.
Idinagdag pa niya, na ang mga "solusyon" ay ibabatay sa aktwal na karanasan ng mga nars, doktor, empleyado, at ordinaryong Pilipino na naapektuhan ng pandemya.
“Malinaw sa aming pakikipag-usap na walang pinili ang pandemya. Lahat ng Pilipino, apektado," aniya.
Sinabi niya sa kanyang mga tagasuporta na bukod sa pagsusuot ng "pink" bukas, Nobyembre 3, ay makipag-usap sa mga nawalan ng mahal sa buhay at ng trabaho dahil sa pandemya.
“Ibahagi ang katotohanan: Kung may malinaw na stratehiyang nagbubukal sa malasakit, makakalaya tayo mula sa pandemya," ayon sa bise presidente.
“Sa mga nakasama natin sa COVID response initiatives natin, ikuwento ninyo: Hindi lang pangako ang plano natin. Napatunayan na natin ang kayang gawin ng malinis at maayos na pamamahala," dagdag pa niya.
Pinangunahan ni Robredo ang ilan sa mga COVID-19 response sa makalipas na 18 buwan katulad ng Swab Cab, Vaccine Express, Community Mart, Community Learning Hubs, at Bayanihan E-Konsulta, at iba pa.
Raymond Antonio