Nagpatupad ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ng academic break ngayong linggong ito para sa kapakanan ng kanilang mga estudyante at faculty, sa gitna pa rin ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay PLM President Emmanuel Leyco, ang academic break ay sinimulan nila nitong Nobyembre 2, Martes, at magtatagal hanggang sa Nobyembre 7, Linggo, alinsunod na rin sa polisiya ng unibersidad na kilalanin ang physical at mental health ng kanilang institusyon.

Layunin rin aniya nito na mabigyan ang PLM community ng mas maraming pagkakataon upang makapiling ang kanilang pamilya ngayong panahon ng Undas 2021.

“The pandemic remains to be a cause for concern in our daily living despite more than a year of lockdowns and changing community quarantine protocols,” ani Leyco.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

“We hope that everyone can take this time to reflect and recharge so they can carry on for the rest of the semester,” dagdag pa niya.

Bunsod naman ng implementasyon ng academic break, suspendido muna ang synchronous o asynchronous classes sa unibersidad.

Itinakda naman ng PLM ang midterm examinations ng mga estudyante sa Nobyembre 8 hanggang 14.

“Instructors and professors are also advised not to set deadlines or deliverables from students, nor should they upload class materials except for supplemental reading sources in anticipation of the upcoming midterms,” dagdag pa ni Leyco.

Ang mga kolehiyo naman na nasa ilalim ng trimestral academic calendar gaya ng College of Law, College of Medicine 4th year students, at iba pang graduate programs ay exempted sa academic break.

Dahil dito, ang midterm examination ng College of Law ay matutuloy tulad ng naka-iskedyul, na susundan ng tatlong araw na academic break na mula Nobyembre 9 hanggang 11.

Mary Ann Santiago