Arestado ang isang Chinese at kasabwat nitong Pinoy dahil umano sa pagbebenta ng matataas na kalibre ng baril at makumpiskahan pa ng iligal na droga sa Makati City nitong Sabado, Oktubre 23.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Chief,Brig. General Jimili Macaraeg ang mga naaresto na sina Huang Sia, alyas Jason Lee, 30, isang Chinese, at Raffy Ballera, alyas Ivan, 29. 

Sa report ng SPD, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng DSOU NPD at Poblacion Police Substation ng Makati City Police sa isang open parking area sa San Agustin Street, Salcedo Village, Barangay Bel-Air sa nasabing lungsod, dakong 4:10 ng hapon nitong Sabado.

Nakabili umano ng baril ang police poseur buyer sa dalawang suspek na nagresulta ng kanilang agarang pagkakaaresto matapos tanggapin ang buy-bust money.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Nakumpiskahan ang mga suspek ng apat na high powered firearms na may markang Spikes Tactical Apopka na nagkakahalaga ng ₱100,000; marked money; isang cigarette case na naglalaman ng isang gramo ng pinaghihinalaang cocaine na may street value na ₱5,000; at 3 gramo ng 'shabu' na may halagang ₱20,400.00.      

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Comprehensive of Firearm and Ammunitions Regulatory Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawang suspek.

Bella Gamotea