Bukod kay Senator Ronald 'Bato' Dela Rosa na dating hepe ng Philippine National Police (PNP), dapat din umanong kabahan si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa extrajudicial killings na ginawa nila sa pamamagitan ng war on drugs ng gobyerno, ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV.

Sinabi niya na pagdating ng panahon, siya pa ang "magboluntaryo" na dalhin sila sa ICC sa The Hague sa The Netherlands.

“Well, sila dapat dalawa ang nerbyusin ano kasi talagang sila ‘yung mga arkitekto nito noong mga pagpatay," ani Trillanes sa kanyang online interview nitong Biyernes, Oktubre 22.

Ayon sa polisiya ng ICC, hindi titingnan ng korte ang tungkol sa droga, gayunman, sa katotohanang dapat prinotektahan umano ni Duterte ang karapatan ng mga Pilipino.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

“Pero ikaw pa ‘yung nagpasimuno ng pagpatay sa mga konstituente mo. So, mananagot sila diyan," ayon sa senatorial aspirant.

Matatandaang si Dela Rosa ang PNP chief noong iniutos ni Duterte na umpisahan ang anti-drug campaign ng gobyerno na mas kilala bilang Oplan Tokhang.

Ayon sa official figures, 8,000 na katao lamang ang namatay sa operasyon, gayunman, ayon sa human rights watchers, nasa mahigit 30,000 ang namatay.

Noong nakaraang linggo, inamin ni Duterte na kinakabahan si DelavRosa dahil sa kaso ng ICC.

Pinaalalahanan ng punong ehekutibo ang dating PNP chief na siya ang ituro nito dahil siya ang nag-utos ng operasyon.

Sa parehong online interview, pinaaalalahanan ni Trillanes ang publiko na mayroong dalawang "insiders" ang nagsabi na parte umano ng drug syndicate si Duterte at ang mga kaalyado nito.

Tinutukoy nito si dating PNP Anti-illegal Drugs Group Chief Eduardo Acierto na kumilala kay Michael Yang, dating presidential adviser for economics affairs at pinaghihinalaang financier ng Pharmally Pharmaceuticals Inc., bilang "drug lord."

Ang sumunod ay si retired policeman Arturo Lascanas na tumestigo laban sa Davao death squad ni Duterte.

“Sinasabi ko nga, liliwanagin ko, hindi natin kinukunsinti ‘yung mga drug lords, ‘yung mga drug addicts. Pero kung drug addict ‘yan, pwede mong i-rehabilitate ‘yan para magkaroon sila ng tsansang mailagay sa mainstream. Ngayon, ‘yung kriminal, ikulong natin," ani Trillanes.

Naghain ng supplemental communication sina Trillanes at dating Magdalo Rep. Gary Alejano sa ICC sa The Hague noong 2017.

Ayon sa supplement, “State is unwilling to even investigate the extrajudicial killings in the country and because of the President’s immunity, unable to prosecute President Duterte.”

Raymond Antonio