Magpapaka-gentleman at ayaw na pumatol ni Vice President Leni Robredo sa mga patutsada ni Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa intensyon nitong tumakbo sa 2022 polls.
Sa press conference ni Robredo ngayong Biyernes, Oktubre 15, sinabi niya na ayaw na niyang pumatol dahil mas malaki umano ang mga problemang kinakaharap ng bansa.
"Ako alam mo. Magpapaka gentleman na lang ako ha ayoko nang pumatol. Kasi mas malaki yung problema natin, tingin ko wala naman itong papapuntahan," ani Robredo.
"Gaya ng sabi ko hindi lang kay Mayor Isko, ang dami kong nilapitan. Para maghanap ng avenue na magkaisa," dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Robredo na hindi na lamang siya papatol.
"Hindi makakatulong na--- gaya nga ng sinabi ni Senator Kiko, klaro naman yung kalaban natin dito... kaya nga ako naghahanap ng pagkakaisa kasi, gusto natin na focus tayo sa tunay na kalaban. So hindi na lang ako papatol," ani presidential aspirant.
Sumagot din ang running mate ni Robredo na si Senador Kiko Pangilinan.
"At ayun din naman talaga ang hinahanap ng ating kababayan eh. Yung solusyon sa COVID, sa gutom, at sa kawalan ng hanapbuhay at trabaho. So 'yun dapat ang tinututukan natin," aniya.
"Pag-usapan, pagdebatehan natin yung mga solusyon. Hindi itong kulay, hindi itong kung anu-ano. The biggest enemy of our generation, of our entire country is COVID," dagdag pa nya.
Sinabi rin ni Pangilinan na hindi kulay ang kalaban kung hindi ang COVID-19.
"Hindi kulay, hindi si Isko ang tunay na katunggali natin. Ang tunay na katunggali natin ay itong COVID, 'Yun ang dapat nating pag-usapan, 'yun ang hanapan ng solusyon," ayon sa vice presidential candidate.