Matapos ang mahigit limang taon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), bababa na si Mark Villar bilang kalihim nito.

Inihayag ng 43-anyos na si Villar ang kanyang pagbibitiw bilang pinuno ng kagawaran, isang posisyon na hinawakan niya mula pa noong 2016, sa virtual flag ceremony ng DPWH, ngayong Lunes, Oktubre 4.

“Medyo alam niyo na din. Ito na yung huling flag raising ko as DPWH secretary," sinabi ni Villar sa 50 na mga opisyal at mga empleyado na dumalo ng flag ceremony.

“I filed my resignation effective Wednesday. I'll be stepping down as your secretary Wednesday (Oct. 6),” dagdag pa niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Walang binanggit si Villar tungkol sa kanyang mga plano, kahit na naiulat na kabilang siya sa mga kalihim ng gabinete ni Pangulong Duterte na tatakbo sa pagka-senador sa 2022 national elections.

Inaasahan ang paghahain ni Villar ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) bilang senador bago ang deadline sa Oktubre 8.

Nagsilbing representative ng Las Piñas si Villar simula noong 2010 hanggang 2016 at kahit na nanalong congressman para sa kanyang ikatlong termino, umalis siya sa House of Representatives matapos sumali sa Duterte cabinet noong Agosto 2016.

Siya rin ang humawak ng infrastructure program ng administrasyong Duterte na “Build! Build! Build!”

Sinabi rin ni Villar na marami ang nag-aalangan o hindi nagtitiwala sa infrastructure program ng bansa, ngunit nagawa ng kagawaran na makamit at magawa ang kanilang mga layunin mula nang siya ang pumalit.

“I have a lot of memories with the people I met (at DPWH). The credit should always go to those here in this department, the millions of workers who worked for DPWH,” ayon kay Villar.

“Salamat at tinaggap niyo ako bilang kapamilya dito sa inyong organization. Tinulungan niyo ako sa napaka-hirap na “Build! Build! Build!” program. Sinabi ko din kay Presidente na ito na ang pinaka-malaking karangalan sa buhay ko," dagdag pa ni Villar.

Waylon Galvez