Hiling ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa mga Pilipino ay huwag mahulog sa bitag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sana hindi na tayo magpalinlang ulit," ani Trillanes sa kanyang official Facebook page nitong Linggo, Oktubre 3.
Nag-upload siya ng screenshot ng isang ABS-CBN news article noong Enero 6, 2016 na may titulong: “Trillanes: Duterte presidency a disaster PH.”
Nakakuha ng 9.3K reactions, 695 comments, at 460 shares ang naturang post.
Inilabas niya ang pahayag nang inanunsyo ni Duterte ang pagreretiro sa politika nitong Sabado, Oktubre 2, matapos tanggapin ang nominasyon ng PDP-Laban para tumakbo bilang bise presidente sa 2022 elections.
Matatandaang noong 2015 sinabi ni Duterte na hindi siya tatakbo bilang presidente.
Noong 2016 naman, nag-withdraw siya sa kanyang kandidatura para sa reelection bilang Davao City Mayor at sumali sa presidential race bilang last-minute substitute kay Martin Diño, na standard-bearer ng PDP-Laban.
Ngayong taon, walang tatakbong Duterte para sa national post.
Naghain ng reelection si Davao City Mayor Sara Duterte, gayundin ang kanyang mga kapatid na sina Paolo sa House of Representatives, at Sebastian bilang vice mayor ng Davao City.
Gayunman, nang magkaroon ng pagkakataong makipag meet-up sa mga supporters sa labas ng Sofitel Philippine Plaza Manila, narinig ang Presidente na tatakbo umano ang kanyang anak na si Sara bilang running mate ni Bong Go.
Ang mga kandidato ay binigyan ng panahon hanggang Nobyembre 15 upang mag-withdraw at magfile ng substitution.