Matapos ikasal kay Maguindanao 2nddistrict representative Esmael “Toto” Mangundadatu nitong Agosto, tila sasabak na rin sa politika si Miss Asia Pacific International 2018 Sharifa Akeel kasunod ng isang Facebook post kasama ang ilang alkalde ng mga munisipyo at bayan ng Sultan Kudarat nitong Martes, Setyembre 28.

“It’s always the right time when it comes to rendering public service,” sabi ni Akeel sa kanyang Facebook post.

Larawan mula kay Sharifa Akeel via Facebook

“With same conviction, purpose and enthusiasm, we are now making our own way to start for a change,” dagdag nito.

Kalakip sa Facebook post ni Akeel ang mga larawan kasama ang alkalde ng ilang munisipyo at bayan ng Sultan Kudarat kabilang na ang alkalde ng Columbio na si Edwin Bermudez; alkalde ng Ezperanza na si Helen Latog; alkalde ng Tacurong City na si Lino Montilla; at ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Sultan Kudarat na si Congressman Toto Suansing, na pinasalamatan ni Akeel para sa kanilang “warm welcome" at "unwavering support."

Larawan mula kay Sharifa Akeel via Facebook

Ani Akeel, natutuwa siya dahil nagkakaisa sila sa mga layuning nais isulong.

Hindi man tuwirang binanggit ni Akeel ang kanyang kandidatura para sa Halalan 2022, ilan sa kanyang mga tagasunod ang nagsabing tatakbong gobernadora ang dating beauty queen.