Halos isang milyong doses ng Moderna vaccine laban sa coronavirus disease (COVID-19 ang dumating sa Pilipinas nitong hapon ng Sabado, Setyembre 18.
Nasa kabuuang 961,000 Moderna doses ang nailapag ngayong araw sa Terminal 1, Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, 3:45 p.m.
Ang naturang bakuna ay binili via trilateral arrangement ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pangunguna ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) na pagmamay-ari ng port mogul na si Enrique Razon.
Sa suplay, 712,800 doses ang natanggap ng gobyerno habang 248,000 doses naman ang alokasyon para sa ICTSI.
Ito ang ikaapat na tranche ng suplay ng Moderna vaccines na inihatid sa Pilipinas sa pangunguna ng ICTSI mula Hulyo ngayong taon.
Ang kasalukuyang suplay ng bakuna sa bansa ay umabot na sa 59, 169, 810 doses.
Maliban sa Moderna vaccines, nakatakda ring tanggapin ng Pilipinas ang 190,000 doses ng Sputnik V ngayong gabi ng Sabado.
Sa Linggo, Setyembre 19, tatlong milyong doses ng Sinovac naman ang darating sa bansa; nasa 2,020,590 Pfizer doses din ang inaasahang darating sa Pilipinas mula sa donasyon ng COVAX facility.
Martin Sadongdong