Lalong palalakasin ang defense capabilities o kakayahang magtanggol ng Pilipinas laban sa dayuhang bansa at sa lokal na insureksyon.

Tinalakay nina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. at US Secretary of State Antony Blinken ang mga aksyonat paraan upang lalong mapalakas ang kakayahan ng ating bansa sa kanilang first in-person meeting na ginanap sa Washington nitong Biyernes (Manila time).

Sa pulong, binigyang-diin ni Locsin ang pangangailangan para sa Pilipinas na mapalakas ang defense capacity upang mapanatili nito ang treaty commitments sa United States.Binangggit din niya ang kahalagahan ng Mutual Defense Treaty (MDT), ang kasunduan noong  1951, na nag-formalize sa alyansa ng US at ng Pilipinas.

“We want to ramp up our bilateral engagement to ensure that our alliance remains strong and resilient,”  ani Locsin sa pahayag na na pinalabas ng Philippine Embassy sa US.

Walang idinetalye tungkol sa mga pamamaraan upang mapalakas ang depensa ng Pilipinas, gayunman, ayon sa embassy statement, nagkasundo sina Locsin at Blinken na magdaos ng Bilateral Strategic Dialogue (BSD) sa Nobyembre at ng 2 Plus 2 Ministerial Dialogue sa unang mga buwan ng 2022.

Nalamang ang BSD ay isang mahalagang mekanismo para sa konsultasyon at palitan ng mga pananaw sa malalawak na isyu, kabilang ang pulitikal, seguridad at economic cooperation sa pagitan ng Pilipinas at ng United States.

Sa 2 Plus 2 Ministerial Dialogue naman ay sangkot ang magkasanib na pulong ng foreign at defense secretaries ng dalawang bansa. Mga kababayan, napapansin ba ninyo na nagiging malapit na ngayon ang ugnayan ng Pilipinas at ng US na noong una ay naging "malabnaw" sa unang mga taon ng panunungkulan ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) dahil higit na naging makiling ang Pangulo sa China at Russia.

-0-0-0

May hinala ang mga political analyst na posibleng maging apat ang tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 elections. Sila ay ang "mamanukin" ni PRRD; VP Leni Robredo o Manila Mayor Isko Moreno; Senator Manny Pacquiao; at Senator Panfilo Lacson.

Gayunman, may naghihinalang maaaring humirit din si dating Senator Bongbong Marcos kapag hindi siya nakatambal ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Isang political analyst ang nagsabing posibleng tumakbo pa rin si Duterte-Carpiokapag umatras ang amang Pangulo sa vice presidential race.