LUCBAN, Quezon-- Patay ang 17-anyos na anak ng alkalde habang nasa kritikal na kalagayan naman ang kasamahan nito na nakamotorsiklo rin nang masalpok ng isang elf truck noong Lunes ng gabi, Setyembre 13.
Kinilala ang nasawi na si Guitahm Oli Salvacion Dator, anak ni Lucban, Quezon Mayor Celso Olivier Dator habang ang kritikal naman ay si Sydney Mykel Ramos Saliendra, 20, kawani ng lokal na pamahalaan ng bayang ito.
Ayon sa ulat ng pulis, dakong 9:50 ng gabi ang mga biktima ay sakay sa motorsiklo at magkabuntot na bumabagtas sa intersection ng town proper nang matumbok ng isang ng Elf truck na minamaneho ni Brian Abana,32, residente ng Candelaria, Quezon.
Base sa kuha ng CCTV, papatawid at nasa gitna na ng intersection sa bahagi ng Rizal Avenue at Racelis Avenue ang dalawa nang matumbok sila ng mabilis na paparating na truck.
Kapuwa nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan ang dalawa at agad isinugod sa MMG Hospital Lucban subalit nasawi si Dator habang nilalapatan ng lunas makaraan ang halos tatlong oras.
Nananatili namang kritikal at walang malay si Saliendra dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo.
Naaaresto ng nagrespondeng pulis si Abana at sasampahan ng kaso sa prosecutor’s office, habang nakapiit sa Lucban PNP custodial facility.
Danny Estacio