Sa pagbabalik-tanaw sa sinasabing masalimuot at karumal-dumal na pagpaslang kay Senador Benigno 'Ninoy' Aquino Jr., halos tatlong dekada na ang nakararaan, isang kabanata lamang sa aming buhay ang aking bibigyang-diin: Bilang magkapatid sa pamamahayag. Kapuwa kami naglingkod sa Manila Times Publication na pag-aari noon ng Roces family; bagamat siya ay may programa rin sa ABC Channel 5 na pag-aari rin ng Roces clan.
Bago pumalaot sa larangan ng pulitika, si Ninoy ay tumanyag na sa daigdig ng pamamahayag -- sa print at broadcast media. Siya, sa aking pagkakaalam, ang kinilalang pinakabatang war correspondent noong Korean War. Sa katunayan, ang kanyang sinulat at isinahimpapawid na mga balita ay magiliw na sinubaybayan ng ating mga kababayan; naglarawan ito ng kahindik-hindik na mga sagupaan ng mga sundalong Koreano at mga kawal na dayuhan, kabilang na ang ating mga tropa sa sandatahang lakas ng bansa.
Sa malagim na kamatayan ni Ninoy, hindi ko tatangkaing salingin, wika nga, ang maseselang detalye hinggil sa naturang trahedya. At lalong hindi ko iisipin ang lumutang na mga haka-haka na tumutukoy sa mga utak sa pagpaslang sa dating Senador. Sapat nang mabatid ng sambayanan na tila nababalot pa ng hiwaga at kababalaghan ang naganap na kalunos-lunos na eksena.
Sa kabila ng katakut-takot na mga pagdurusa na sinapit ni Ninoy bilang mahigpit na kritiko ng administrasyon, hindi nagbago ang kanyang pakikitungo sa ating mga kapatid sa propesyon. Sa katunayan, sa isang press briefing nang siya ay nakakulong sa Fort Bonifacio, mistulang niyakap niya ang mga peryodista na kinabibilangan ng local media at mga miyembro ng Foreign Correspondent Association of the Philippines (FOCAP).
Sa naturang pulong-balitaan, wala siyang iniwang nakabiting sagot, wika nga, sa mga tanong ng mga peryodista; kahit na ang mga iyon ay may pasaring sa mga may kapangyarihan, lalo na ang tungkol sa sinasabing tahasang paglabag sa mga karapatang pantao o human rights.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, nahiwatigan ko ang halos pabulong na tanong: Babalik ka ba sa Pilipinas matapos ang iyong pagpapagamot? Palibhasa'y mapagmahal sa lupang tinubuan, gusto kong maniwala na ang naging tugon ni Ninoy sa nabanggit na katanungan ay inilarawan ng malungkot na kapalaran na sinapit niya sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) noong Agosto 21, 1983.