Arestado ang walong drug suspects sa isang anti-illegal drugs operation na isinagawa ng mga pulis sa isang drug den sa Bgy. Pinagbuhatan Pasig City, nitong Martes ng madaling araw. 

Photo: Pasig PNP/Facebook

Kinilala ni Pasig City Police chief PCol. Roman Arugay ang mga naarestong suspek na sina Carmen Lacuesta, 39, fishball vendor; Camilo “Milot” Retaga, 44; Carlito Rivera, 53; Jeffrey Rivera, 30; Bernard Sanchez, 33; Darwon Lagao, 37; Amy Peruda, 42; at Domingo Duazo, 32.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Batay sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na dakong 12:30 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa tahanan nina Lacuesta at Retaga sa Nagpayong 1, Bgy. Pinagbuhatan na nagsisilbi umanong drug den.

Photo: Pasig PNP/Facebook

Bago ang nasabing operasyon, nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hinggil sa pagkakaroon ng isang drug den sa naturang lugar.

Kaagad namang nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na pinangungunahan nina PSSg Cristobal Mina, PCpl Mark Israel Aquino, PCpl John Kervy Vigilla at PCpl Benzon Basilio upang beripikahin ang impormasyon.

Dito umano natiyempuhan ng mga awtoridad ang mga suspek na pawang sangkot sa illegal drug activities tulad ng pot session at bentahan ng ilegal na droga, kaya’t kaagad na silang inaresto.

Narekober mula sa mga suspek ang may 9.5 gramo ng shabu na may street value price na P64,600 at mga drug paraphernalia.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at nakatakdang sampahan ng mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Mary Ann Santiago