"What is my vision, mangyayari talaga 'yan," ani Rudy Baldwin, isang psychic na umano'y nakakakita ng mga pangitain na magaganap sa hinaharap.

Ngayon na maraming sakuna ang nangyayari tulad ng bagyo, lindol, sunog, pandemya, at iba pa, naging matunog ang pangalan ni Rudy Baldwin lalo na sa Facebook.

Larawan: Rudy Baldwin/FB

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Lumobo na sa halos aabot na 4.1 milyon na followers ang kaniyang official Facebook page, na para sa kaniya ay ginagamit niya upang magbabala.

Enero 20, 2020, nang naglabas si Rudy sa kaniyang pangitain para sa bansang Turkey. Babala niya sa kaniyang post, yayanigin ng lindol ang bansang ito. Enero 23, 2020 naman nang nagkataong nakaranas ng pagyanig ang bansang ito.

Isa na rin sa kaniyang post ay ang babala noong Enero 9, 2020. Ayon sa post niya, magpaparamdam ang Bulkang Taal sa Batangas, puputok ang nasabing bulkan. Enero 12, sa taong rin iyon ay pumutok ang bulkan. Ilan lamang ito sa mga "vision" ni Rudy na nagkataon namang nangyari.

Marahil ang paglobo ng kaniyang followers ay dahil sa mga nagkataong pagtama ng kaniyang mga hula sa mga nangyayari.

Sa kaniyang official Facebook page, nire-repost niya ang ilang testimonya at pagsuporta sa kaniya. Isa na dito ang nagngangalang "Pandemic Hero Nancy." Ayon sa repost ni Rudy, isa raw itong masugid na taga-subaybay ni Rudy at personal daw nitong nasaksihan na nagkatotoo ang mga visions ni Rudy.

Sa eksklusibong panayam ng palabas ng "Kapuso mo, Jessica Soho (KMJS)" taong 2020, ibinahagi niya na limang taong gulang pa lamang siya noong natuklasan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pambihirang kakayahan.

Noong una, itinago ni Rudy ang kaniyang kakayahan ngunit nagkasakit siya at naranasan ng kamalasan.

Tinanong niya noon ang kaniyang sarili, "Jesus, bakit sa'kin mo binibigay? Bakit 'di sa kanila?"

Hanggang dumaan ang taong 2015. Tumama ang magnitude 6 na lindol sa probinsiya ng Leyte. Nakaramdam ng panghihinayang si Rudy nang hindi raw nito naibahagi ang kaniyang pangitain noong nagkaroon ng lindol sa Leyte. At dahil dito, sinimulan na raw niya ang pagbabahagi ng kaniyang pangitain.

Dagdag pa ni Rudy, hindi lang sakuna ang kaniyang nakikita kundi ang mga numero na lumalabas sa mga "game of chances" tulad ng Lotto.

Larawan: Rudy Baldwin/YouTube screenshot

"Swerte ako sa sugal e. Every time na may vision ako [na] numbers, pinipilit ko tatay ko tumaya," ani Rudy.

Nagbabahagi siya sa kaniyang Facebook account at YouTube channel ng mga grupo ng mga numero na posibleng lalabas.

Samantala, sa hiwalay na panayam ulit ng KMJS, ibinahagi ni Rudy ang kaniyang pitong pangitain sa natitirang buwan ng taon.

Larawan: Rudy Baldwin/FB

Una na sa kaniyang pitong pangitain ay ang paglobo ng krimen lalo na't parating na ang eleksyon. Ayon sa kaniya, makakakita ng bangkay sa tabi-tabi at iyong iba pa ay lumulutang sa tubig.

Pangalawa, nakakakita siya ng mga pinatay na reporters. Ang ilan dito ay binaril o kayang maaaksidente.

Pangatlo, may bagay mula sa himpapawid na babagsak sa bansa.

Pang-apat, nakikita daw niya na may ipo-ipo o "tornado" na dadaan sa gawing Luzon. Dagdag niya, hindi niya malaman kung ito ay kulay dugo o apoy.

Panlima naman ay nakikita niyang may mga pulitikong masasawi bago matapos ang taon.

Pang-anim, isang batikang aktor ang diumano ay biglaang masasawi.

At ang huli sa kaniyang pangitain para sa nalalabing taon ay makakaranas pa ng pagyanig. Aniya, mas malakas pa ito na lindol na naranasan ng bansa kamakailan. Dagdag pa niya, hindi lang isang beses magaganap ang pagyanig kundi aabot sa dalawa hanggang tatlo.

Hindi iba si Rudy sa ibang personalidad. Mayroon din siyang mga "bashers" at mga hindi naniniwala sa kaniya. Sa comment section ng kaniyang mga post, marami ang nagpapahayag ng mga hindi pagsang-ayon sa kaniya.

Isa na rito ang kilalang ex-convicted man at social media personality na si Christian "Xian" Gaza.

Ani ni Xian sa kaniyang vlog, "Rudy baldwin is just a con man, okay isa lamang siyang scammer, con man nagpepretend to be a vision 'kemerut' na may nakikitang vision blah blah. You know what it takes one to know one..."

Lumaganap rin ang mga "fake accounts" ni Rudy, na siya namang pinabulaan niya sa kaniyang post.

Kung pagbabasehan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa, naglalabas ang ahensiya ng forecast na aabot sa anim na buwan lalo na ang mga bagyo. Kaugnay nito, maaaring pag-aralan ang mga nangyayari sa ilalim ng bulkan kung kaya't pwedeng itong malaman ang mga posibleng pagsabog kaya naman ayon sa mga ekspekto, maaring malaman ang mga magaganap sa mga bulkan base sa mga "deposits" nito o geologic activities.

Sagot naman niya ay may kanya-kanyang paniniwala ang tao. Mabuting i-respeto na lamang ito.

Anu't-anuman ay naniniwala siya na ang kaniyang kakayahan ay nanggaling sa maykapal.