Malapit nang makamit ng lungsod ng Maynila ang herd immunity o population protection laban sa COVID-19. 

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hanggang alas-8:00 ng gabi ng Hulyo 26, Lunes, nasa 811, 998 na ang mga indibidwal sa lungsod na naturukan ng first dose ng COVID-19 vaccine.    

Sa nasabing bilang aniya, 464,903 ay fully-vaccinated na.

Samantala, ang kabuuang bilang naman ng bakuna na naiturok na ay 1,240,588. 

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mayroon 1.8 milyon na populasyon ang Maynila at ayon kay Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang nangunguna sa vaccination program ng lokal na pamahalaan, kailangan nilang maturukan ng bakuna ang 70% nito para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.         

Kaugnay nito, naging vaccination site na rin ang University of Santo Tomas (UST) at personal itong binisita nina Moreno at Lacuna. 

Pinasalamatan naman ni Moreno ang mga opisyal ng UST na naroroon at tiniyak sa mga ito na hindi sila magsisisi sa pagpapahiram ng lugar. 

Ayon sa alkalde, malaki ang maitutulong nito sa mga vaccinators ng pamahalaang lungsod at sa mga residente dahil ito ay komportable, maluwag, open-air at ligtas pagganapan ng mass vaccination.

Nabatid na ito ang unang pagkakataon na ginamit ang UST practice gym bilang vaccination site, kung saan may 2,000 vaccines ang naiturok sa mga residente.

Kabilang sa mga nabakunahan ng first dose sa naturang bagong bukas na vaccination site ay mga residenteng mula sa A2 (senior citizen) at A3 priority groups (persons with comorbidities).

Mary Ann Santiago