Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 7,186 bagong COVID-19 cases sa bansa nitong Martes, Hulyo 27. Ito ang pinakamataas na naitala sa loob ng mahigit sa isang buwan.
Batay sa case bulletin no. 500 na inilabas ng DOH dakong alas-4:00 ng hapon, nabatid na dahil sa mga bagong bilang ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,562,420 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 3.6% ang aktibong kaso o kabuuang 56,477, kabilang ang 93.8% na mild cases, 2.3% na severe, 1.58% na moderate, 1.3% na kritikal at 1.1% ang asymptomatic.
Mayroon rin namang panibagong 5,672 bagong gumaling sa sakit kaya’t umaabot na ngayon sa 1,478,625 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 94.6% ng total cases.
Samantala, nakapagtala rin ang DOH ng 72 pang pasyente na namatay dahil sa COVID-19.
Sa ngayon, 27,318 na ang total COVID-19 death toll ng Pilipinas o 1.75% ng total cases.
Ayon sa DOH, nasa 162 duplicates ang inalis nila mula sa total case count, kabilang dito ang pitong recoveries at isang death.
Mayroon rin namang 49 na kaso na unang na-tagged na nakarekober na, ngunit kalaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago