Iminungkahi ng OCTA Research Group ang muling pagpapatupad ng ‘bubble’ sa NCR Plus areas upang maiwasang makapasok ang Delta variant ng COVID-19 sa mga naturang lugar at maipagpatuloy pa rin ang pagtakbo ng ekonomiya.
Nauna rito, iniulat ng Department of Health (DOH) na may 11 lokal na kaso na ng mas nakahahawang Delta variant sa Pilipinas at nagbabala sa publiko ng posibleng panibagong surge ng virus, tulad nang nangyayari ngayon sa ibang bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David na makatutulong ang panibagong NCR Plus Bubble upang hindi makapasok ang Delta variant at maprotektahan ang NCR Plus areas mula dito.Malilimitahan rin aniya ang galaw sa mga essential travels lamang.
“'Yung idea naman ng bubble, I think nag-work naman siya a few months ago nung nagka-surge tayo. Kabaligtaran lang ang mangyayari ngayon. Ang bubble natin is designed to protect NCR Plus from the outside para 'di makapasok dito basta-basta ang mga variant na yan," ayon pa kay David sa panayam sa teleradyo.
“'Pag may bubble tayo at protected tayo dito sa loob ng NCR Plus, 'di tayo ma-affect from outside at patuloy ang ekonomiya natin,” aniya pa.
Makatutulong rin aniya ang bubble upang hindi na pagbawalan pang muli ang mga bata na lumabas ng kanilang mga tahanan.
Babala pa ni David, ang Delta variant ay maaaring magdulot ng long-term effects ng COVID-19 sa mga paslit.
"Sa UK, very concerned ang scientists dyan. Kung hahayaan mahawahan ang mga bata, maybe 10 percent magkaka-long COVID," babala pa niya.
Sa ngayon ay wala pa namang naitatalang pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa dahil sa Delta variant, ngunit nag-aalala aniya ang OCTA sa ilang lugar gaya ng Mariveles, Bataan at Laoag City sa Ilocos Norte, kung saan nagkakaroon nang pagdami ng mga COVID-19 cases.
“We have to be proactive. Hindi natin pwede hintayin na may makita tayong nagsu-surge na, bago tayo mag-react at mag-respond dito sa threat ng Delta variant,” aniya pa.
Mary Ann Santiago