Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno na muling ipagbawal ang home quarantine ng mga indibidwal na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 at maging ng mga asymptomatic upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit.

Ito’y matapos ang mga ulat na nakapasok na sa Metro Manila ang mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Kaugnay nito, umapela ang alkalde ng suporta at pakikipagtulungan sa mga apektadong residente at sinabing hindi siya magdadalawang-isip na pairalin ang batas sa mga tatanggi at ipipilit na mag-home quarantine dahil kaligtasan ng mas nakararami ang nakataya dito.

Ayon sa alkalde, inatasan na niya si Dr. Ed Santos, assistant Manila Health Department chief, na hanapin ang lahat ng mga asymptomatic na pasyente na kasalukuyang nagho-home quarantine at sunduin upang maisailalim sa pagsusuri kung sila ay may variant at upang malapatan ng lunas sa Manila COVID-19 Field Hospital sa ilalim ni Dr. Arlene Dominguez.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa pagkakataong ito ay hiniling ng alkalde ang pakikipagtulungan ng publiko dahil aniya ngayon kailangang-kailangan na pairalin ang disiplina lalo't nakapasok na ang Delta variant sa lungsod at upang mapigilan ang pagkalat pa nito.

Nabatid na ang nasabing variant ay mas nakakahawa, mas mabilis na kumalat at mas nakamamatay kaysa sa ordinaryong COVID-19.

Bagama't pinapayagan noon ng MHD ang mga pasyenteng asymptomatic na mag-home quarantine ngunit dapat na ito duly verified at may espasyo sa kanilang bahay kung saan puwedeng mag-isolate, ngayon ay hindi na ito pinapayagan.

“Kayo ay gagaling sa MCFH kung saan fully-air conditioned, may oxygen, may pagkain, communication equipment, TV at wifi.We will make it more comfortable for you. We cannot take chances. Maige na ang maagap. Aagapan natin ‘yung numero,” ayon kay Moreno.

Para naman sa kaalaman ng lahat, sinabi ni Moreno na bago pa siya naimpormahan ay may tatlong linggo na ang kaso ng Delta variant sa Maynila.

Iminungkahi rin ng Department of Health (DOH) na magsagawa ng contact tracing ang lungsod na kaagad namang ginawa ng pamahalaang lokal .

Isinailalim din sa pagsusuri ang pamilya ng dalawang Delta variant positive at napag-alaman na negatibo ang mga ito sa COVID-19.

Tumawag na rin ang alkalde ng emergency meeting sa mga hospital directors, kinauukulang departamento at tanggapan upang pag-usapan ang problema at makagawa ng mga paunang hakbangupang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Mary Ann Santiago