Nais ni Pangulong Duterte na manalo ang kampo ng oposisyon sa susunod na presidential elections para matikman umano ng mga ito kung gaano kahirap ang pagiging pangulo.
Sinabi ng Pangulo na mas gugustuhin niyang makita si Senador Leila de Lima o dating Senador Antonio Trillanes IV na tumakbo at manalo sa botohan kaysa sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Una nang sinabi ni Duterte na ayaw niyang patakbuhin ang kanyang anak dahil hindi raw ito para sa babae. Noon ay nagreklamo rin siya tungkol sa mga paghihirap bilang pinuno ng bansa, tulad ng pagtitiis sa mababang sahod at mahabang oras ng pagtatrabaho na iniinsulto at inaatake lamang ng mga kritiko anuman ang nagawa.
“I would rather that ibigay ang gobyerno sa kanila, Let them win,”ayon kay Duterte sa isang televised address nitong Lunes, Hulyo 12, tungkol kay Trillanes at De Lima.
“I wish them luck and even wish them win kung manalo sila para kanila na itong gobyerno at gawain nila ang gusto nilang gawin,” dagdag pa niya.
Inakusahan pa ni Duterte ang kanyang dalawang kritiko ng pagiging “hungry for power.” Tinawag din nitong bastos si Trillanes habang inilarawan niya si De Lima na “wallowing in pity” at naging “almost virulent.”
“I would rather na kung sila-sila na lang ang patakbuhin at sila’y manalo, nagdadasal ako niyan at makita nila kung papaano nila patakbuhin ang gobyerno, kung gaano kahirap,” ayon kay Duterte.
Genalyn Kabiling