Kaagad kong pinagkibit-balikat ang plano ng Duterte administration hinggil sa pag-aarmas sa tinatawag na anti-crime volunteers; kasabay ito ng pagsagi sa aking utak ng naglipana pang mga loose firearms, riding-in-tandem at iba pang grupo ng mga kriminal na walang patumangga sa paghahasik ng mga karahasan sa iba't ibang sulok ng kapuluan.
Totoo na may mahigpit na pangangailangan upang makipagtulungan ang sambayanan, kabilang na nga ang iba’t ibang grupo laban sa mga kriminal at mga sugapa sa illegal drugs, sa pagpuksa ng mga manliligalig sa mga komunidad. Sa katunayan, ang mga adhikaing ito ang unang inatupag ng administrasyon sa hangaring makalikha ito ng isang malinis at matatag na gobyerno para sa sambayanang Pilipino.
Subalit ang katuparan ng gayong mga patakaran ay hindi ko makita sa pagpapagamit ng baril sa anti-crime volunteers. Lalo na nga kung iisipin na ang naturang mga grupo ay maaring hindi naman masyadong bihasa sa paghawak ng armas. Gayunman, hindi malayong maitanong nila: Paano na kaming makatutulong sa paglipol ng mga krimen at sa paglutas ng krimen kung wala kaming mga armas?
Ang aking pagtutol sa nabanggit na plano ng administrasyon ay nakaangkla sa katotohanan na sapat na ang kasalukuyang mga ahensiya at iba pang pangkat ng aktibo sa pagsugpo ng mga karahasan sa bansa. Sa katunayan, naririyan ang ating daan-daang puwersa ng ating Philippine National Police (PNP) na laging naninindigan sa kanilang makabayang misyon: To Serve and Protect. Naririyan din ang ating daan-daang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na laging nakahandang pangalagaan ang ating bansa, lalo na sa mga kanayunan, laban sa mga bandido at rebelde. Dagdag pa rito ang makabayan ding serbisyo ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na bagamat hindi sapat ang bilang ay nagiging epektibong katuwang din sa pagpapanatili ng katahimikan sa iba't ibang panig ng kapuluan.
Naniniwala ako na ang pagkakaloob ng karapatan o pagkakataon ay hindi dapat ipagkait sa ating mga kababayan, kabilang na nga ang anti-crime groups at iba pang pangkat laban sa mga kampon ng kasamaan. Ang totoo, tayong lahat ay maaaring magkaarmas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin tungkol sa gun ownership.
Sa kabila ng lahat ng ito, ang pagkakaloob ng baril sa nabanggit na mga grupo ay nangangailangan ng masusing pagkilatis sa mga kinauukulan, lalo na nga kung tuluyan itong isusulong ng administrasyon. Marapat lamang matiyak na ang gayong patakaran ay hindi mababahiran ng pagyayabang, pagsasamantala at iba pang misyon na lalong nagpapabagasak sa pamahalaan.