Inihayag ng Department of Health na nasa low risk classification na ngayon ang bansa matapos na makapagtala ng negative growth rate sa mga kaso ng COVID-19 at mas mababang average daily attack rate (ADAR).

Paliwanag ni Dr. Alethea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), kung pagbabatayan ang two-week growth rate ng COVID-19 infections sa bansa ay bumaba na ito sa -9% nitong nakaraang isa hanggang dalawang linggo kumpara sa 15% sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

Aniya, ang ADAR ng virus ay bumaba na rin sa 5.42 mula sa dating 5.96 nitong nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

“Dahil negative ang ating two-week growth rate at ang ating ADAR ay naka-moderate risk na at 5.42, the risk classification nationally is already at low risk,” ayon kay De Guzman.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Binanggit ng DOH, ang ADAR ay kinokonsiderang high risk kung makaabot ito ng 7 per 100,000 population.

Kung pagbabatayan naman aniya ang mga naitatalang COVID-19 ngayon, malayo pa rin ito sa peak ng mga kaso na naitala noong Disyembre ng nakaraang taon at Enero ngayong taon na ang mga naitatalang bagong kaso kada araw ay nasa mahigit 1,000 hanggang 2,000 lamang.

Batay sa datos ng DOH, bagamat mabagal ay patuloy pa rin namang bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) habang mas maraming kaso ng sakit sa ngayon na naitala sa Central Luzon at Calabarzon.

Pero may ilang lungsod sa NCR ang nananatiling nasa High Risk dahil sa mataas na daily attack rate, kabilang dito ang Pateros, Makati, at San Juan.

Sa Plus Areas naman aniya napag-iwanan ang Laguna na may mataas pa ring kaso ng COVID-19.

Mary Ann Santiago