SARIAYA, Quezon - Isang elementary public school teacher ang binaril habang sakay ng motorsiklo ng hindi pa kilalang mga suspek nitong Lunes ng hapon sa Sitio Berhinan, Barangay Manggalang 1.

Sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, kinilala ang biktima na si Marilou Lagaya, 48, at residente ng Sitio Masigasig Bgy. Montecillo sa bayang ito.

Sinabi sa ulat na dakong 3:50 ng hapon, naka-angkas sa motorsiklo ang biktima na minamaneho ng pinsan niyang si Maricel Surqiua na galing sa Manggalang 1 Elementary School at papunta sana sa naturang barangay nang makailang ulit na barilin ng hindi nakilalang mga suspek.

Matapos ang pananambang tumakas patungo sa direksyon ng Bgy. Manggalang Tulo-Tulo ang mga suspek.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nagtamo ang biktima ng maraming mga tama ng bala ng baril sa kanyang katawan at namatay noon din, habang hindi binanggit sa ulat ang sinapit ni Surqiua.

Narekober sa lugar ng krimen ang isang tingga at pitong basyo para sa kalibre .45 na pistola.

Nagsasagawa ang Sariaya Police ng follow-up investigation para tukuyin ang motibo, pagkakakilanlan at arestuhin ang mga tumakas na suspek.