CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Tatlong pinaghihinalaang drug pusher ang napatay matapos umanong lumaban sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa nasabing lalawigan nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa unang operasyon ng pulisya, napatay si June Arimbuyutan, 42, taga-Brgy. M.S. Garcia, Cabanatuan City, nang makipagbarilan umano sa mga pulis sa Brgy. San Ricardo, Talavera, dakong 1:30 ng madaling araw.

Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang 10 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, isang Cal.38 revolver, isang motorsiklo at ilang basyo ng bala.

Napatay din si Ryan de Jesus, taga-Brgy. Aduas Norte, nang makipagbarilan umano sa mga tauhan ng Lupao Police sa Brgy. Balbalungao, dakong 2:45 ng madaling araw.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nasamsam sa lugar ang isang Cal. 9mm pistol, marked money, isang plastic sachet ng umano’y shabu, isang motorsiklo at basyo ng bala.

Dakong 3:30 ng madaling araw, bumulagta naman ang isa pang pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na gamot na si Emerson Manuson, sa isang buy-bust operation sa Brgy. Barrera, matapos umanong barilin ang isang police poseur-buyer.

Isang Cal. 38 revolver, marked money, at mga basyo ng bala ang narekober sa crime scene.

Ariel Avendaño