Sa kabila ng matindi pa ring pananalanta ng nakamamatay na coronavirus, kaakibat ng kasagsagan ng mga pagpapabakuna, hindi ko maubos-maisip kung bakit biglang tumawag ang isang kapatid sa pamamahayag at tandisang itinanong: Gusto mo bang yumaman? Kagyat ang aking reaksiyon at bigla ko ring naitanong: Paano kang yayaman sa panahong ito na halos nakalugmok ang ating ekonomiya at wala na halos makain at walang trabaho ang marami nating mga kababayan.
Ang inaasahan kong sunod-sunod na itatanong niya sa akin ay tulad ng sumusunod: Nakapagpaturok ka na ng bakuna? Kumusta na ang iyong mga mahal sa buhay sa pag-iingat sa banta ng COVID-19? Totoo ba na marami na sa ating mga kapatid sa propesyon ang sinundo na ng ating Panginoon, wika nga?
Ang tinutukoy pala niya na pagpapayamaan ay noong panahon ng aming kabataan at kasiglahan sa larangan ng media o pamamahayag; noong panahon ng pagpapayaman sa pamamagitan ng lehitimo at masikap na mga pamamaraan na kaakibat ng talino at sariling puhunan.Totoo na may mga yumaman sa pamamagitan ng pangungulimbat at pandarambong ng salapi na hindi nila pinagpaguran.
Biglang sumagi sa aking utak ang pahiwatig ng ilang kapatid sa hanapbuhay: Kung gusto mo yumaman, pumasok ka sa Bureau of Customs, sa Bureau of Internal Revenue at sa iba pang income-generating agency ng gobyerno. Hindi ko kinagat, wika nga, ang gayong mistulang sapantaha.
Mabuti pa ang pagtaya sa lotto at baka-sakaling tayo ay biglang yumaman. Katunayan, marami na ring naging milyonaryo sa naturang numbers game ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Dangan nga lamang at talaga namang katiting na porsyento lamang ang ating pag-asang manalo. Lalo na nga kung madalang pa sa patak ng ulan, wika nga, kung tayo ay bumili ng lotto ticket.
Sa kabila ng gayong mga estratehiya upang yumaman,tandisan kong sinabi sa nasabing kapatid namin sa pamamahayag: Ayaw kong yumaman, lalo na ngayong tayo ay nasa dapit-hapon na ng ating buhay. Sapat na ang aking karanasan na makahalubilo ang mga taong hindi lamang mga milyunaryo kundi mga bilyunaryo. Isang magandang pagkakataon na si dating Senate President Manuel Villar, ang pinakamayamang Pilipino ngayon, ay makasabay kong kolumnista sa pahayagang ito. Hindi ko rin malilimutan ang aking pagkikipagdaupang-palad kay Bill Gates, ang pinakamayamang tao sa buong daigdig, noong panahon ni Presidente Ramos.
Sa kabila ng lahat ng ito, aatupagin ko na lamang ang pagpapayaman sa ating kapuwa, lalo na sa mga kaibigan. Hindi madadala sa libingan ang ating salapi, subalit tayo ay maihahatid ng ating mga kapanalig sa ating huling hantungan.