Nilinaw ng Malacanang na walang iniindang karamdaman si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) nang muntik na siyang mabuwal sa podium na tinutuntungan sa pagdiriwang ng ika-123 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong Sabado sa Malolos, Bulacan.
"Nawalan lang ng bahagyang balanse o isang "simple misstep" ang nangyari sa Pangulo," paliwanag ng Palasyo.
Sa video, makikita na medyo napaatras ang Pangulo kung kaya mabilis siyang inalalayan ng kanyang security. Mabilis ding bumalik sa podium si PRRD at itinuloy ang pag-aalay ng bulaklak.
Sa video, makikitang naibalik ng Presidente ang kanyang balanse at katatagan sa tulong ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana at ng security.
"It was a simple misstep. It was clear in the video that the President was turning on a podium, some kind of a podium and he was slightly out-of-balance," paliwanag ni presidential spokesman Harry Roque sa press briefing.
"Walang problema sa kanyang (PRRD) kalusugan. Nananatili siyang malusog at kayang gampanan ang mga tungkulin bilang Chief Executive" dagdag ni Roque.
Aminado ang Pangulo na dumaranas siya ng iba't ibang sakit, tulad ng Barrett’s esophagus, acute bronchitis, migraine, spinal injury dahil sa aksidente sa motorsiklo, Buerger’s disease, at muscle spasms.
Noong nakaraang Abril, pinayuhan niya ang mga kritiko at kalaban sa pulitika na magdasal pa ng matindi ("pray harder") kung nais nilang mamatay na siya agad. Gayunman, may nagsasabing hindi madaling mamatay ang "masamang damo." Para sa mga supporter at alyado ng Pangulo, siya ay "mabuting damo". Sabi ng kaibigan ko: "Eh hindi naman damo ang Presidente."
Kung maganda ang balita sa Metro Manila dahil sa pagbaba ng bilang ng mga kaso ng Covid-19, medyo masama naman ang balita sa Mindanao at Visayas. Ayon sa DOH, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng coronavirus sa maraming panig ng dalawang rehiyon.
Nais nating paalalahanang muli at muli ang ating mga kababayan. Sundin ang simpleng payo ng mga eksperto at dalubhasa sa kalusugan: "Magsuot ng face mask/shield, laging maghugas ng kamay, panatilihin ang social distancing at umiwas muna sa malalaking pagtitipon."
Bert de Guzman