Dalawang kalayaan ang natamo ng Pilipinas. Ang una ay noong Hunyo 12,1898 nang ideklara ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang Kasarinlan ng ating bansa mula sa mahigit na 300 taong pagkaalipin sa mga Espanyol.
Noon namang Hulyo 4,1946, ipinagkaloob ng United States ang ganap na kalayaan ng Pilipinas matapos sumailalim ang bansa sa mahigit na 50 taon na pamamahala ng mga Amerikano.
Samakatwid, kung tutuusing mabuti ay dalawang Kalayaan ang dapat ipagdiwang ng mga Pilipino. Kalayaan sa pananakop ng mga Kastila at Kalayaan sa pananakop ng mga Kano.
Gayunman, maraming Pinoy ang nagtatanong kung talagang ang Pilipinas ay isa na ngang malayang bansa o malaya lamang sa titulo at salita. Suriin nating mabuti kung talagang nakawala na tayo sa pagkaalipin ng mga Espanyol (1898) at ng mga Kano (1946).
Sa ngayon, waring ang ating bansa ay muli na namang nililigalig ng dayuhang bansa, partikular sa mga reef at shoal na saklaw ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ). Tayo raw ay unti-unti sinasakop ng isang dambuhala dahil alam nitong hindi makakaya ng ‘Pinas na makipaglaban sa kanya. Bukod dito, ayaw raw ng ating mga lider na makipagdigma sa dambuhala dahil lilipulin lang nito ang ating mga sundalo at pulis. Pero, tutol dito ang mga Pilipino. Hindi naman tayo nakikipag-away o makikipagdigma, ang nais lang natin ay ihayag sa mundo na minamaliit at inookupa ang mga teritoryo natin sa katubigan at dagat.
Pangungunahan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan o Indepence Day sa Hunyo 12. Ayon sa Malacanang, dadalo sa pagdiriwang ang Pangulo hindi sa Luneta na tradisyonal na ginaganap ang pagtataas ng bandilang Pilipino. Sa labas ng Metro Manila siya dadalo.
Sa pagdalo ni PRRD sa Araw ng Kasarinlan, magsisilbi itong pinakahuling pagdalo sa mahalagang okasyon bilang Pangulo. Nakatakda siyang bumaba sa puwesto sa 2022.
Habang sinusulat ko ito, hindi masabi ni presidential spokesman Harry Roque kung saang lugar sa labas ng Metro Manila pupunta si Mano Digong para pangunahan ang pagdiriwang. Bibigyang-diin daw ng Punong Ehekutibo ang pagmamahal ng Pilipino sa bansa sa kanyang public message. Samahan natin ang ating Pangulo sa pagmamahal sa bayan.
Tungkol naman sa usapin ng Covid-19 pandemic, sinasabi ng Department of Health (DOH) at ng OCTA Resarch Group na patuloy sa pagbaba ang kaso ng tinatamaan ng virus sa Metro Manila. Mabuting balita ito. Sana'y ipagpatuloy ng taga-Metro Manila ang pagsunod sa health protocols.
Samantala, kung ang Metro Manila ay hindi na itinuturing na "episentro" ng coronavirus o Covid-19, tumataas naman ang bilang ng nagpopositibo sa virus sa Mindanao at Visayas. Maagapan sana ng mga eksperto sa kalusugan ang situwasyon sa Mindanao at Visayas upang ang Covid-19 pandemic ay lumayas na sa ating bansa.
Bert de Guzman