Unti-unti nang bumubuti ang lagay ng National Capital Region (NCR) at ngayon ay itinuturing na itong nasa COVID-19 moderate risk area, mula sa dating pagiging high risk.

Ayon kay Prof. Guido David ng OCTA Research Group, ang 7-day average ng mga naitatalang bagong COVID-19 cases per day sa NCR ay bumaba na sa 1,100 na lamang, na may positivity rate na 10% at reproduction rate na 0.57 na lamang.

“The reproduction rate is also at 0.57, so the NCR is now a moderate risk from high risk,” ayon pa kay David, sa panayam sa telebisyon.

Samantala, tinukoy rin ni David na ang top 10 cities pagdating sa bilang ng mga kaso ng sakit ay lima mula sa NCR at lima mula sa labas ng NCR Plus bubble, na kinabibilangan ng Davao City, Puerto Princesa City, Bacolod City, Iloilo City at Cagayan de Oro City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaugnay nito, sinabi ni David na bagamat gumaganda na ang kondisyon ay hindi pa rin aniya nila inirerekomenda ang sabay-sabay na pagpapaluwag pa ng quarantine restrictions dahil posible aniyang magdulot ito nang muling pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19.

“The indication is good and we expect easing of restrictions, but we don't recommend easing of all restrictions all at once,” aniya pa. “Easing restrictions all at once can seriously reverse the trend and threaten our pandemic management.”

Sa ngayon ang NCR ay nasa ilalim pa ng general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions hanggang sa pagtatapos ng Mayo.

Muli rin namang inirekomenda ni David na upang magtuluy-tuloy na paghusay ng sitwasyon ay dapat na unahing mabakunahan ang 50% ng populasyon sa NCR, gayundin sa mga lungsod ng Tuguegarao, Santiago, Baguio, Cainta, Cebu at Imus, na siyang mga lugar na vulnerable sa posibleng pagkakaroon ng panibagong surge ng COVID-19.

“These LGUs are always under threat of a surge. The 50% is a realistic target because while we need as much as 75 [percent] to achieve herd immunity, almost 30% of our population are children whom vaccine is not yet available,” aniya pa. “With 50%, we will achieve a level of containment.”

Matatandaang mula Marso 29 hanggang Abril 11 ay nagpatupad muli ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus areas ang pamahalaan dahil sa panibagong surge ng COVID-19.

Nagpairal naman ang national government ng modified ECQ (NECQ) mula Abril 12 hanggang Mayo 14 at malaunan ay GCQ na matapos na unti-unting makataan nang paghusay ang sitwasyon sa mga naturang lugar.

Mary Ann Santiago