Maaari pa umanong bumaba ang bilang ng COVID-19 cases na naitatala sa National Capital Region (NCR) ng hanggang 1,000 na lamang kada araw, kung palalawigin pa ng pamahalaan ang pagpapairal ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang sa katapusan ng Mayo.
Ayon kay OCTA Research Group Dr. Guido David, sa kasalukuyan ang reproduction number ng COVID-19 ay nasa 0.65 na at may average na mas mababa sa 2,000 kaso kada araw.
“So kung mag-i-extend tayo (ng MECQ), we’re projecting na bababa tayo to almost 1,000 cases per day by the end of May,” ani David, sa panayam sa telebisyon.
Dagdag pa ni David, posible ring mapanatili pa rin ang downward trend sa daily number kung calibrated at dadahan-dahanin ng pamahalaan ang pagbababa ng quarantine restrictions.
“If we ease restrictions, actually possible rin naman na ma-maintain natin yung downward trend. That’s why we support it,” paliwanag ni David. “Kasi ang nakikita naman natin basta ‘yung pag-ease natin ng restrictions natin, ‘yung exit strategy natin, gradual and calibrated, baka ma-prevent naman natin ‘yung pag-reverse ng trend and ma-maintain pa rin natin ‘yung downward trend trajectory.”
Ang NCR Plus areas, na kinabibilangan ng Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan ay nasa ilalim pa ng MECQ hanggang sa Mayo 14.
Samantala, sa kaso naman ng pagkakadiskubre na ng Indian variant ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni David na mahalaga ang istriktong contact tracing upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
“Ang concern natin is kung kumalat. That’s why important ‘yung contact tracing, ma-check natin kung may mga ibang na-expose dito sa mga nag positive dito sa Indian variant,” aniya pa.
Una nang kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may na-detect na silang dalawang kaso ng B.1.617 coronavirus variant na unang nadiskubre sa India, at sinasabing responsable sa surge ng COVID-19 cases doon.