Ni Edwin Rollon

HINDI balakid ang Games and Amusements Board (GAB) sa layunin ng Pilipinas VisMin Cup na isulong ang Mindanao leg, higit at malaki ang ipinagbago sa kabuuan ng kasalukuyang Visayas leg ng kauna-unahang professional basketball league sa South.

Ayon kay GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, hinihintay lamang ng ahensiya ang pagsumite ng pamunuan ng liga sa mga hininging requirements, tulad ng background check sa mga team owners, players at personnel para makapagdesisyon.

“We’re hoping that the league will comply with the requirements as early possible time para maaksyunan namin agad. Hopefully, maayos natin ng mas maaga,” pahayag ni Mitra.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nakatakda ang Mindanao leg ng VisMin Cup sa Mayo 25.

Nagdesisyon ang GAB na suspindihin ang Mindanao leg matapos ang kontrobersyal na laro na kalauna’y nauwi sa isyu ng game-fixing sa pagitan ng ARQ Builders Lapu-Lapu City at Siquijor sa kasalukuyang Visayas leg nitong Abril 14.

Sa naturang laro na itinigil sa iskor na 27-13 sa halftime, tila sadya ng mga players ng Siquijor na matalo dahil sa sablay na tira kahit sa simpleng lay-up, habang isang player ang tumira sa free throw ng kaliwa’t kanan na parehong sablay.

Pinatawan ng league management ng ‘banned’ ang lahat ng players at coaching staff ng Siquijor bukod sa P1 milyong multa, habang nasuspinde at pinagmulta ang ilang player ng ARQ bunsod ng ‘disgraceful and unsportsmanlike’ conduct.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng liga, gayundin ng GAB katuwang ang Philippine National Police (PNP).

Matapos ang mga pagbabago at re-organisasyon ng liga, sinabi ni Mitra na nakitaan naman ng sinseridad ang VisMin Cup sa kanilang pangako na aayusin ang patakbo sa liga.

“Re-evaluate pa natin. But on my observations there’s a mark improvement sa game officiating, program and game results. Let’s see kung tulo- tuloy na ito. I’m very happy on what they done and having the right people to help them to fix the house,” pahayag ng dating Palawan Governor at Congressman.

Nanindigan si Mitra sa naunang pahayag na ‘shape up or ship out’ para sa mga players at officials sa liga.

“Huwag nilang sayangin ang oportunidad. Sa iba kasiparang larong labas pa rin ang kanila. Iba na ito, professional league na, different level na, kaya dapat nilang ayusin ang paglalaro,” sambit ni Mitra.