ni CELO LAGMAY
Halos kasabay ng ating paggunita sa Araw ng Paggawa o Labor Day, lumutang naman ang mga pahayag hinggil sa mangilan-ngilang pagbubukas ng mga establisimiyento sa National Capital Region (NCR) plus bubble na kinabibilangan din ng mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal. Nangangahulugan na ang ilang negosyo na tulad ng mga restawran, barbershop, bueaty parlor at iba pa ay papayagan nang magbukas alinsunod sa mga alituntunin na ipinatutupad ng gobyerno, tulad ng limitasyon sa bilang ng mga papasok na customer.
Ang pagluluwag ng naturang mga regulasyon ay mistulang hulog ng langit sa mahigit na isang milyong manggagawa na nawalan ng trabaho simula nang umiral ang pandemya; simula nang manalasa ang nakamamatay na coronavirus. Isipin na lamang na maraming sektor ng ating mga kababayan, lalo na nga ang mga manggagawa sa konstruksiyon at mga pabrika, ay halos mamalimos na upang kumita ng maipag-aagdong-buhay. Wala silang malamang sulingan sa kabila ng mahihigpit na health protocol na ipinatutupad ng mga awtoridad.
Maging ang ekonomiya ng bansa ay mistulang humihilahod dahil nga sa pagpapairal ng mahihigpit at sunud-sunod na lockdown; tila tumigil sa pag-ikot ang daigdig ng pagnenegosyo sa ating bansa; halos no man's land, wika nga, ang maliliit at malalaking negosyo sa kapuluan -- at maging sa iba't ibang bansa sa daigdig.
Sa kabila ng gayong mga hudyat tungkol sa pag-angat ng ekonomiya, nais kong bigyang-diin ang aking pananaw na higit na dapat pa ring bigyan ng prayoridad ang pangangalaga sa ating buhay kaysa sa pagpapausad ng kabuhayan ng bansa. At lagi kong ipinahihiwatig: Aanhin pa ang kabuhayan kung makikitil naman ang ating buhay.
Maging ang ilang sektor ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay may gayon ding paniniwala. Marami sa kanila ang naghangad na makauwi sa ating bansa kaysa manatili sa mga lugar na kanilang pinagkakakitaan ng milyun-milyong dolyar; ninais pang iwanan ang magagandang oportunidad na nagbigay sa kanila ng kaluwagan sa buhay.
Isipin na lamang na ang naturang mga OFWs na itinuring nating mga buhay na bayani ang gumanap ng makabuluhang misyon upang sagipin sa pagkakalugmok ang ekonomiya ng bansa. Ang ganitong mga adhikain ay nilumpo ng nakakikilabot na coronavirus.
Sa implementasyon ng bagong pinaluwag na mga reglamento, gayunman, nais lamang nating bigyang-diin na hindi dapat ipagwalang-bahala, manapay lalo pang higpitan ang mahigpit nang minimum health protocol na matagal ng pinaiiral. Sa gayon, mababawasan kahit paano ang paghahawahan sa nakakikilabot na mikrobyo. Mahigit na isang milyon nang mga kababayan natin ang tinamaan ng COVID-19 at libu-libo na rin ang nakitil ang buhay -- ito ang dapat isaalang-alang sa pagbangon ng ating kabuhayan.