ALCANTARA— Pinatatag ng KCS Computer Specialist-Mandaue City ang magiging katayuan sa semifinal matapos padapain ang Tabongon, 82-71, nitong Miyerkoles sa Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Nailista ng KCS ang ikalawang sunod napanalo sa second round para sa kabuuang 7-2 marka sa double-round robin eliminations ng kauna-unahang professional basketball league sa South sa pagtataguyod ng Chooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).

Sa kabila ng pagkakaroon lamang ng siyam na players sa rotation, nagawang makipagtagisan ng Tabongon para makadikit sa 23-25 sa kaagahan ng second period, ngunit sumiklab ang opensa ng KCS sa long distance, tampok ang anim na sunod na three-pointer para sa 26-2 run at hilahin ang bentahe sa 49-29 sa halftime.

“It's about time that Steve Castro gets his breakout game kay since the start sa league, siya ang pinaka consistent and giving quality minutes for the team,” pahayag ni KCS assistant coach Jabby Bautista.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Naisalpak ng KCS ang 10 three-pointers sa first half.

Umabot sa pinakamalaking 29 puntos, 61-32, ang bentahe ng Mandaue, ngunit nagawa pa ring makalapit ng Tabogon sa 62-69 matapos ang tree-pointer ni Richmond Bersabal. Subalit, nagpakatatag ang KCS, sa pangunguna nina Castro para sa 75-62 bentahe may 3:03 ang nalalabi sa final period.

Nanguna si Gyrann Mendoza sa KCS na may 19 puntos, anim na rebounds, dalawang assists, at dalawang steals, habang kumubra si Castro ng 16 puntos, dalawang rebounds at tatlong steals.

Nakamit ng Tabogon ang ikatlong sunod na kabiguan para sa 3-6.

Hataw si Arvie Bringas sa Tabogon sa naiskor na 19 puntos at siyam na rebounds.

Haharapin ng KCS-Mandaue para sa huling laro sa second round ang Dumaguete Biyernes ng gabi, habang haharapin ng Tabogon ang Dumaguete Huwebes ng gabi.

Iskor:

KCS-Mandaue (82)—Mendoza 19, Castro 16, Delator 11, Soliva 10, Bongaciso 8, Solera 7, Mercader 5, Imperial 3, Roncal 2, Exciminiano 1, Nalos 0, Cachuela 0

Tabogon (71)—Bringas 19, Diaz 12, Bersabal 12, Orquina 8, Lacastesantos 6, Caballero 6, Rodriguez 4, Sombero 2, Vitug 2

Quarterscores: 21-18, 49-29, 65-45, 82-71.