ni DAVE VERIDIANO
Masakit sa tenga, lalo na sa dibdib, kung tatalab sa mga opisyal ng Department of Health (DoH) at Food and Drugs Administration (DFA) ang mga pasaring ng ilang mambabatas at eksperto sa larangan ng medisina, na pinagkakakitaan nila ang ginagawang pagpabor sa mga mamahaling gamot na ginagamit sa mga ospital ngayong pandemiya.
“Mukhang big money is involved and pharmaceutical control of our drugs availability and purchases are concerned, and that would be the reason kaya ang gamot sa Pilipinas ay napakamahal, pinakamahal sa buong Asya,” ani Buhay Partylist Representative Lito Atienza, sa nakaraang congressional hearing hinggil sa pagbabawal ng DoH at DFA sa paggamit ng mga gamot – gaya ng Ivermectin -- na mura lang ang halaga bilang panlaban sa COVID-19.
Karugtong naman ito sa pagsisiwalat ni AnaKalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa hanggang langit na presyo ng mga gamot na ibinebenta rito sa atin – na may pahintulot mula sa DoH at FDA – kumpara sa presyo nito sa ibang bansa. Lutang na lutang ang mataas na presyo rito, batay sa mga resibong binayaran ng mga pasyenteng nagka-COVID-19 at naratay sa mga malalaking ospital sa bansa.
Kung mahirap ka, siguradong tigok ka kapag lumala ang sakit mo, dahil wala kang pambili ng mga sobrang mahal na gamot na ito, na priority sa listahan ng DoH at FDA!
Tinalakay ito ng mga mambabatas matapos makailang ulit magbabala ang dalawang ahensiya, sa pagrereseta at paggamit ng Ivermectin (IVM), na pinatutunayan ng ilang mga doktor at mga nakagamit na nito – kabilang ang ilang pulitiko, may mga kayang pamilya at libu-libong mahihirap -- na bukod sa nakagagaling ay pwede rin na “prophylaxis treatment” o gawing panlaban upang hindi mahawaan ng COVID-19.
Sa kabila kasi ng mga dokumentadong matagumpay na paggamit ng IVM sa ibang bansa, na nakatulong sa pagpapababa ng hawaan sa COVID-19 sa kanilang mga lugar, nakapagtatakang patuloy na nadi-delay ang pag-aapruba sa mga application sa paggamit ng Ivermectin ng ilang dalubhasang doktor natin. Delay na, may kakambal pang pananakot -- na huhulihin at aalisan ng lisensiya ang sinumang doktor na gagamit ng IVM sa kanilang panggagamot.
Ani Rep. Atienza na halatang galit na galit: “Lahat ng mahihirap na binigyan namin nito gumaling, nakatulong ito sa kanila. Pero kayo (DoH at FDA) wala man lang naibibigay. Pinaghihintay ninyo lang sa wala ang mga kababayan nating naghihirap!” Dagdag pa niya: “Parang illegal na droga ang trato nyo sa Ivermectin, na nakapagbibigay naman ng pag-asa sa mga mahihirap nating kababayan. Bakit ‘di nyo ma-encourage ang mga mahihirap na gamitin ito para naman mabuhayan sila ng pag-asa sa gitna ng pandemiya?”
Pinuna rin ni Atienza ang labis na pagtutol ng DoH sa mga matandang kaugalian -- gaya ng pagsusuob, pag-inom ng maraming tubig at mainit na sabaw, at pagpapainit sa araw – na tanging inaasahan ng mga mahihirap upang mapagaling ang mga pagkaraniwang sakit na nararamdaman at makaiwas sa COVID-19.
Sa totoo lang naman – dahil sa pandemiya, walang pera ang karamihan sa ating mga kababayan. Walang pambili ng mga rekomendadong gamot ng DoH at FDA na sobrang napakamahal, kaya ang pag-asa ng mga ito ay naka-sentro sa murang gamot na magagamit nila bilang proteksyon, habang naghihintay sa ipinangako – na napako na yata – na sobrang mahal din ang presyo na mga bakuna, na rekomendado rin ng DoH at FDA.
Gaya ng sabi ng ating mga mambabatas – dapat ay itingil na ng DoH at FDA ang pagdi-dribble sa mga tao, at ‘wag nang paasahin ang mga ito. Simple lang ang tanong na dapat n’yong sagutin ng YES or NO: “Safe ba ang Ivermectin (yung human grade) para sa tao? Makatutulong ba o hindi?”
Kung malaking NO – eh bakit binigyan n’yo ng pahintulot ang tatlong malaking ospital para gumamit nito sa kanilang mga pasyente? Anong meron sila na wala ang mga doktor na unang dumiskubre at nag-reformulate ng IVM – sa napakamurang halaga -- para magamit na panlaban sa COVID-19 ng mga mahihirap nating kababayan?
Ito sa palagay ko ang tinatawag na “delaying tactics” – kung para saan man, kayo na ang humusga!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]