NANGUNA ang E-Gilas Pilipinas sa kanilang grupo sa Southeast Asia conference ng FIBA Esports Open nitong Biyernes pagkaraang dominahin kapwa ang Vietnam at Maldives.
Kung sa regular na 5x5 basketball, ni hindi pinagpawisan ang E-Gilas Pilipinas kontra Vietnam at Maldives para makausad sa playoffs.
Sa pamumuno ni Aljon "Shintarou" Cruzin, nagwagi ang Pilipinas sa pinagsamang132 puntos na kalamangan makaraang igupo ang Vietnam, 78-40 at durugin ang Maldives, 124-30.
Ni hindi nakaporma ang Maldives kontra E-Gilas dahil kay Shintarou ay taob na sila sa ipinoste nitong 54 puntos mula sa 13-of-15 clip sa 3-points na sinamahan pa nito ng 14 assists at 5 steals.
First half pa lamang ay mainit na si Shintarou at nagtala ng 26 pùntos na nagpasiklab sa kanilang panimulang 51-9 blast.
Mula doon hindi na sila nagpaawat hanggang maiposte ang 94 na puntos na panalo.
Sumunod kay Shintarou, tumapos si Custer "Custer" Galas na may 24 puntos, 8 assists at 3 steals at Philippe "IzzoIV" Herrero IV na muntik ng maka- triple-double sa kanyang iniskor na 13 puntos, 17 rebounds, 8 assists, 4 blocks at 2 steals.
Sa opening game kontra Vietnam, namuno rin si Shintarou na may 26 puntos, 12 assists at 4 rebounds.
Sinundan sya Rial Pologna may 24 puntos at 2 steals, IzzoIV na may 12 puntos, 8 rebounds at 3 assists at Custer na umiskor ng 11 puntos, 6 steals at 3 assists. Marivic Awitan