ni Bert de Guzman
LUBHANG nakagigimbal ang pagsikad ng mga kaso ng of COVID-19 sa bansa. Noong Lunes, may 401 Pinoy ang pumanaw kung kaya ang bilang ng mga yumao ay naging 1,097 nang wala pang isang linggo.
Batay sa daily tally ng Department of Health (DOH), para sa Abril 9, naitala ang 401 bagong pagkamatay dahil sa virus kung kaya umabot na sa 14,520 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa buong bansa sanhi ng pandemya.
Sa nakalipas na anim na araw, ayon sa DOH, may 1,097 COVID-19 patients ang yumao dahil sa impeksiyon, kabilang ang dalawang namatay na naitala noong Abril 4; 10 noong Abril 5; 382 noong Abril 6; 242 noong Abril 7 at 60 noong Abril 8.
Sa puntong ito, sinabi ni Rontgene Solante, puno ng Fellowship Program in Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine sa San Lazaro Hospital, ang ganitong pagtaas ng mortality o pagkamatay ay hindi nangangahulugan na ang COVID-19 ay higit na mabagsik ngayon.
Ayon kay Solante, ang mga pagkamatay ay sumasalamin kung bakit maraming kaso ng COVID-19 ngayon at ang karamihan sa kanila ay senior citizens, na malimit ay vulnerable o madaling tamaan ng virus.
"Ang virus ay laging virulent, laluna sa edad 60 pataas. Ang pagdami ng kamatayan ay laging mangyayari kapag ikaw ay mahigit sa 60 anyos pataas at merong comorbidities,” ani Solante.
Batay sa data, ipinakikitang may 12,225 bagong kaso noong Biyernes, ang pangatlo sa pinakamalaking daily tally matapos ang 15,310 kaso at 12,576 kaso noong Abril 2 at 3, ayon sa pagkakasunod.
Sa ngayon ayon sa DOH, ang kabuuang kaso ng COVID-19 ay nasa 840,554 na, may 178,351 aktibong kaso na kumakatawan sa 21.2 porsiyento ng kabuuan. Ayon sa DOH, may 10 laboratoryo ang hindi nakapag-submit ng kanilang data sa COVID-19 Document Repository System.
Sa ganitong situwasyon, talagang kailangan ang ibayong pag-iingat ng ating mga kababayan. Sundin natin ang mga patakaran ng DOH sa health protocols. Hindi naman napakahirap na sundin ang mga paalala sa pag-iingat upang hindi tamaan at mahawa ng salot na itong hanggang ngayon ay parang nangangapa pa ang mga dalubhasa sa paghanap ng mabisang gamot.