ALCANTARA — Naisalba ng ARQ Builders-Lapu-Lapu City ang matikas na ratsada ng Dumaguete Warriors sa krusyal na sandali para maitakas ang 67-57 desisyon para sa maagang liderato sa Visayas leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup nitong Martes sa Alcantara Sports and Civic Center sa Cebu.
Naibaba ng Warriors sa single digit ang bentahe ng ARQ tungo sa huling tatlong minute, ngunit nagpakatatag ang Lapu-Lapu City cagers para makamit ang ikalawang sunod na panalo at maagang liderato sa kauna-unahang professional basketball league sa South sa pagtataguyod ngChooks-to-Go at sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB).
Hataw si Ferdinand Lusdoc sa naiskor na 14 puntos, tatlong rebounds, isang assist at isang steal, habang kumana si Reed Juntilla ng 12 puntos, apat na rebounds at tatlong assists.
Maagang umabante ang Warriors, huli’y sa 34-30 sa kalagitnaan ng third period, tampok ang magkasunod na three-pointer ni guard Nikki Monteclaro. Ngunit, sumiklab ang opensa ng ARQ sa nailatag na 12-0 run, tampok ang walong puntos ni Juntilla para maagaw ng Heroes ang bentahe sa 46-37 tungo sa final period.
Muling nagbaba ng 11-0 run ang Heroes para sa 61-50 bentahe, Nagawang maibaba ng Warriors ang kalamangan sa 54-61 tampok ang jumper ni Jeric Nacpil, ngunit nagawang makasagot ng Heroes para selyuhan ang panalo.
“Si Reed (Juntilla), inaasahan talaga namin yung scoring niya,” pahayag ni ARQ coach Francis Auquico. “I’m glad that he delivered when we needed him.”
Nanguna si Monteclaro sa Dumaguete sa naiskor na 20 puntos, habang kumana sina Mark Doligon ng 12 puntos at may 10 puntos si Nacpil at 11 rebounds.
Target ng Lapu-Lapu ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtuos sa Siquijor bukas ganap na 2:00 nghapon. Haharapin naman ng Dumaguete ang Talisay ganap na 8:00 ng gabi.
Iskor:
Lapu-Lapu City (67) -- Lusdoc 14, Juntilla 12, Cañada 9, Minguito 8, Galvez 7, Tangkay 6, Mondragon 5, Ochea 3, Berame 3, Abad 0, Senining 0, Arong 0.
Dumaguete (57) -- Monteclaro 20, Doligon 12, Nacpil 10, Gabas 6, Velasquez 3, Mantilla 3, Roy 2, Regalado 1, Aguilar 0.
Quarterscores: 17-17, 25-23, 46-37, 67-57.