SA isang hakbang na kadapat-dapat sa papuri ng publiko, hinarang ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang state-run Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) sa pagpapasa nito sa mga konsumer ng bagong universal charges (UC) para sa stranded debts (SD) at stranded contract costs (SCC).
Sentro ng desisyong ito ang mga benepisyaryo ng Murang KuryenteAct (MKA) na pinagtibay upang makapagkaloob ng seguridad para sa mahihirap, nasa laylayan at dehadong sektor.
Base sa pagtataya ni Senator Sherwin Gatchalian, pinuno ng Senate energy committee bago mapagtibay ang bagong batas noong Agosto 2020: “Afamily that consumes 200 kilowatt-hours per month can expect that there will be a P172 decrease in their electricity bill every month, equivalent to an additional three to four kilograms of rice per month." Ito ay dahil sa pagbabawas ng dalawang universal charges mula sa kanilang electricity bill.
Nagpahayag ng pagkabahala ang PSALM hinggil sa P8 bilyong alokasyon na ginawa ng Department of Budget and Management (DBM) para sa subsidiya ng PSALM ngayong taon, isang P38 bilyong pagbaba mula sa inaasahan nitong parte mula sa P208 bilyong Malampaya fund na inilipat sa kaban ng pamahalaan na kinilala ng MKA bilang funding source nito.
Bago pa ang kautusan ng ERC, naghain na ang PSALM ng walong petisyon para sa higit P90 bilyong halaga ng nakabinbin na cost recoveries ng universal charges para sa SD at SCC, na inaasahang magpapalobo sa singil sa mga kostumer nang hanggang P0.80 kada kWh, kung tuluyang maipapasa.
Matatandaang noong Agosto 2020, ipinag-utos ng ERC sa power distributor, ang Meralco, na magbayad ng multa na P19 milyon para sa pagkabigo na masunod ang abiso ng pamahalaan sa panahon ng national health emergency, at paglikha ng malawakang “bill shock” sa mga kostumer nito.
Nagkaloob din ang ERC ng tulong sa mga tinatawag nitong “lifeline consumers” na may monthly energy consumption na hindi lumalampas sa 100 kilowatt-hours kada buwan sa pagtatakda ng zero sa kanilang distribution, supply and metering (DSM) charges na tumutumbas sa halos 22.4 porsiyento ng retail electricity bill.
Sa panahong ito ng pagsubok, awa at tunay na malasakit para sa pinagdadaanan ng mga Pilipino ang dapat na pangunahing pamantayan sa hakbang ng mga ahensiya ng pamahalaan. Habang milyon-milyong Pilipino ang nagsisikap na mabuhay sa gitna ng malawakang dislokasyon dala ng pandemya, umaasa sila sa suporta at tulong ng kanilang gobyerno. Wika nga ni dating Pangulo Ramon Magsaysay, “Those who have less in life would have more in law.”
Higit sa pagbibigay ng pansamantalang ginhawa, kailangan siguruhin ng pamahalaan ang bukas, tuloy-tuloy at walang patid na linya ng komunikasyon sa publiko sa lahat ng oras upang ang kanilang mga suliranin ay agad matugunan. Habang inaasahan ng lahat ang nagpapatuloy na mga inisyatibo, kabilang ang inaabangang malawakang pagbabakuna, walang hakbang ang dapat isantabi sa pagbibigay ng komportable at ginhawa para sa lahat ng Pilipino.