Ni CELO LAGMAY

HALOS kasabay ng pagmumuni-muni ng sambayanan kaugnay ng Semana Santa, ginulantang na naman tayo ng ulat hinggil sa sagupaan ng mga elemento ng New People's Army (NPA) at ng tropa ng gobyerno. Nagbunga ito ng kamatayan ng ilang rebelde sa isang bayan sa Negros Occidental. Nauna rito, isa ring labanan ang sumiklab sa pagitan ng naturang mga grupo sa isa namang lugar sa kalapit na lalawigan na humantong naman sa pagkakapaslang sa halos isang dosenang NPA troops.

Patunay lamang ito na walang pinipiling pagkakataon ang pagsiklab ng malagim na sagupaan; kahit na ang halos lahat -- kahit na ano ang kinaaaniban nating sekta ng pananampalataya -- ay nakatuon sa sagradong pagninilay-nilay ng paggunita sa haharaping katakut-takot na pagpapahirap ng mga tampalasan sa ating Panginoong Hesukristo.

Naiisip ko na kung minsan, wala tayong malamang sulingan kung sino ang dapat sisihin sa nagaganap na madugong enkuwentro. Tungkulin ng ating mga alagad ng batas -- sundalo, pulis at iba pang law enforcers -- na panatilihin ang katahimikan sa mga komunidad laban sa mga naghahasik ng karahasan, tulad nga ng mga NPA at iba pang grupo ng mga rebelde.

Sa kabilang dako, matindi rin naman marahil ang adhikain ng mga rebelde, tulad nga ng NPA, na ipaglaban ang kani-kanilang mga ideolohiya at landas na napili nilang tahakin. Nakalulungkot nga lamang mabatid na tulad ng isinasaad sa mga ulat, na pati ang ilang kababayan natin ay hindi nakaliligtas sa panggigipit ng ating mga kapatid na NPA; pati ang mga power post ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay pinababagsak nila at sinusunog ang mga makinarya ng malalaking construction company na umano'y hindi nakapagbibigay ng revolutionary taxes. Hindi maliwanag, kung sabagay, kung ang naturang mga ulat ay bahagi ng tinatawag na demolition job upang pasamain ang grupo ng mga rebelde, lalo na ang ilang sektor na may matapat na hangaring sumuko sa pamahalaan upang makapamuhay nang maunlad at tahimik.

Sa pagkakataong ito, naniniwala ako na nasa wastong direksiyon ang mga panawagan upang ipagpatuloy ang naunsiyaming usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines at NPA (CPP-NPA). Bagamat tinuldukan na ng Duterte administration ang nasabing peace talks na isinagawa sa The Netherlands na kinaroroonan ni Chairman Jose Ma. Sison, isang katanggap-tanggap na hakbang ang pagpapatuloy ng naturang peace talks.

Ang kapuwa mga kababayan natin ang kalahok sa nasabing usapang pangkatahimikan -- at hindi mga dayuhan. Ang positibong resulta nito ay natitiyak kong matibay na hadlang upang maiwasan ang pagdanak ng dugo at pagkitil ng buhay ng mga kapuwa Pilipino.