ni Calvin Cordova
CEBU CITY – Inaresto ng pulisya ang isang lalaking nagpapanggap na kumander ng New People’s Army (NPA) matapos na mangikil sa may-ari ng isang restaurant sa Cotabato City, kamakailan.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Benigno Table at nagpakilala bilang “Kumander Malik.”
Sa imbestigasyon ni Staff Sgt. Ronelle Jay Ocariza, ng Philippine National Police-Regional Anti-Cybercrime Unit-Central Visayas (RACU-Region 7), dinakip ang suspek nang magreklamo Junailra Evangelista, may-ari ng isang restaurant, na nakatanggap umano ng mga text message sa isang nagpakilalang NPA commander.
Nagbanta pa aniya ang nag-text na bobombahin ang kainan kung hindi magbibigay ng P30,000.
Dahil dito, agad na ini-report ni Evangelista ang usapin sa pulisya.
Hindi na nakapalag ng suspek nang dakpin ng pulisya matapos na i-withdraw ang hinihinging pera sa isang remittance center sa Bgy. Capitol Site sa lungsod.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek.