ni Marivic Awitan
SA pangunguna ni Tokyo Olympics qualifier Irish Magno, umalis ng bansa patungong Thailand nitong Miyerkules ang 15 -kataong boxing squad para sa dalawang buwang training camp sa Muaklek District sa Saraburi province.
Binubuo ng anim na lalaki at apat na babae kasama ang limang coaches ang koponan na maghahanda para sa nalalabing Olympic qualifier, gayundin sa Tokyo Games.
Ang lugar kung saan sila magsasanay at lalahok sa ilang mga pocket tournaments kasama ng mga miyembro ng Thailand boxing team at posibleng ilan pang mga dayuhang boksingero na naghahanda rin para sa Olympics ay may 150 kilometro ang layo sa katimugang bahagi ng Bangkok ayon sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).
Dalawa sa mga boksingerong kasama sa team na sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio ay inaasahang makakapasok din sa Olympics kapag naayos na ng international boxing federation finalizes ang roster ng mga sasabak sa Tokyo Games dahil sa kasalukuyan nilang world rating.
Bukod kay Magno, pasok na rin sa Olympics si middleweight Eumir Marcial na kasalukuyang nasa US at nagsasanay sa ilalim ni coach Freddie Roach sa Wild Card Boxing gym. Bago nagtungo ng Thailand, walong linggo ding nagsanay sa loob ng bubble ang mga national boxers sa Laguna.
Ang iba pang boxers na kasama sa Thailand ay sina Rogen Ladon, Ian Clark Bautista, Junmilardo Ogayre, James Palicte at Marjon Pianar (men’s)at sìna Riza Pasuit at Aira Villegas (women’s).
Ang mga coaches naman na kasama nila ay sina Australian Don Abnett, Ronald Chavez, Reynaldo Galido, Elmer Pamisa at Nolito Velasco.