MULING kumilos ang Games and Amusements Board (GAB) Anti-Illegal Gambling, sa masinsin na pakikipagtulungan ng operatiba mula sa Station Intelligence Branch ng Caloocan Police, laban sa illegal bookies na nagresulta sa pagkaaresto ng siyam na personnel ng ‘Bookies Karera’ nitong Sabado sa Caloocan City.

Ayon kay GAB-AIG Chief Glenn Pe, kaagad na humingi ng ayuda ang ahensiya sa SIB, sa pamumuno ni PMaj Rengie Deimos, matapos makatanggap ng impormasyon hingil sa illegal bookies na matatagpuan sa Mabini St. Barangay 5 sa Caloocan City.

Matapos makumpirma, kaagad na sinalakay ng grupo ang naturang illegal OTB at naaktuhan ang mga personnel na nangangasiwa sa ‘Bookies Karera’ na kinabibilangan nina Lovely Gonzales, 30; George Tayam, 35; Arnold Caneda, 45; Arvin Cruz, 37; Armando David, 65; Joemer Mula, 44; Mark Raymund Dadula,31; Melvin Orenda, 31; at Henry Arsenio, 43.

Nabawi sa mga suspects ang mga taya, at iba’t ibang paraphernalia tulad ng TV monitor, programa ng karera, radio at digi box.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nagpapasalamat po ang GAB sa ating mga concerned citizen na walang takot na nagpapadala sa amin ng mga impormasyon hingil sa mga ‘Bookies Karera’ sa kanilang mga komunidad. Ang kanila pong tulong ay malaking ambag sa tagumpay ng pamahalaan na masawata ang ganitong mga gawain,” pahayag ni Pe.

Pinaalalahanan ni Pe ang publiko na iwasan na makilahok sa anumang uri ng ilegal na pamamaraan sa karera, sabong at iba pang betting games. Aniya, malaking halaga ng buwis na napupunta sana para masustinihan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mamamayan .Hindi rin naaayon sa ipinapatupad na ‘health and safety’ protocol bunsod ng community quarantine sa bansa dulot ng COVID- 19 ang pagtungo at pagtambay sa mga matataong lugar tulad ng ‘Bookies Karera’. Sa kasalukuyan, may mga mobile apps na magagamit at saklaw ng pamunuan ng GAB, gayundin ng mga lehitimong karerahan sa bansa.