Pagbabalik aksyon ng MPBL, ‘di

pinapayagan sa JAO at IATF

Ni Edwin G. Rollon

HINDI maaring makapagpatuloy ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) kahit sa ‘bubble-style’ system dahil sa katayuan ng liga bilang isang amateur tournament na hindi pinapayagan sa mga kondisyon ng Joint Administrative Order (JAO) ng Games and Amusements Board (GAB), Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH) na siyang pinagbatayan ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbabalik ng sports sa gitna ng paglaban ng pamahalaan sa coronavirus COVID-19 pandemic.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa dokumento na nakalap ng Balita na may petsang Disyembre 11, 2020 sinulatan ng GAB-PSC-DOH si MPBL legal counsel Atty. Vicente Jaime Topacio hingil sa pagbabalik aksyon ng MPBL sa ‘bubble system’.

“Under Section V General Guidelines of the JAO No.2020-0001, non-professional contact sports and activities and non-professional sporting events are temporarily suspended. Only sporting events and competitions conducted by professional sports leagues and associations under the jurisdiction of GAB are permitted to resume in low-risk areas,” ayon sa sulat na pirmado nina Games and Amusements Board Chairman Abraham 'Baham' Mitra, PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez at DOH Undersecretary Myrna Cabotaje.

Ang JAO ang ginamit na batayan ng IATF para aprubahan ang ‘safety and health’ protocol para sa pagbabalik ng ensayo at kalauna’y face-to-face game sa ilalim ng ‘bubble’ system kung saan mahigpit at masinsin ang ginagawang pagbabantay ng GAB sa mga recognized at sanctioned league tulad ng Philippine Basketball Association (PBA), Philippine Football League (PFL), Chooks-to-Go 3x3, Philipinas Golf Tour (PGT), pro boxing at combat sports, gayundin ang Philippine Chess Association of the Philippines (PCAP).

Naghahanda na rin ang pagbubukas ng National Basketball League (NBL), National Women’s Basketball League (WNBL), Premier Volleyball League (PVL) at ang bagong pro cage league sa South na Pilipinas Vismin Super Cup.

“We are just following the JAO na binuo at nagkakaisang napagkasunduan ipatupad kasama ang PSC at DOH. Kung babalewalain ito, lahat po ng mga liga at activities ay lalarga na at hindi na makokontrol ang tao, mababalewala ang lahat ng ginagawa ng pamahalaan para labanan ang COVID-19,” sambit ni Mitra.

Nasa ikatlong season na ang MPBL na binuo at pinangangasiwaan ni Senator Manny Pacquiao. Sa record ng GAB, maraming beses na umanong nilang kinausap ang pamunuan, sa pangunguna ni Commissioner Kenneth Duremdes para malinawan ang katayuan ng GAB, ngunit hindi ito binigyan ng prioridad ng MPBL.

Ayon kay Mitra, may nilagdaan na ring kasunduan ang GAB at PSC kung saan hinabi at naglagay ng hangganan para sa pagkakakilanlan ng isang liga o aktibidad bilang professional o amateur.

“Simple lang, kung ang mga players na naglalaro sa liga ay may kontrata at binabayaran sa paglalaro, hanap-buhay ‘yan, professional ang mga ‘yan. At ang ligang pinaglalaruan nila isang professional,” pahayag ni Mitra.

Tulad ng MPBL, may mga kontrata at tinatanggap na suweldo ang mga players na naglalaro sa Philippine Super Liga (PSL), at Beach Volleyball Republic (BVR). Kapwa nakabinbin din ang mga ‘request’ nito sa pagbabalik aksyon sa IATF.