April 20, 2026

Home BALITA National

Sen. Raffy, umapelang paglinisin ng paaralan mga magulang ng bully!

Sen. Raffy, umapelang paglinisin ng paaralan mga magulang ng bully!
Photo courtesy: Senate of the Philippines (FB)

Iminungkahi ni Sen. Raffy Tulfo ang pagbibigay ng parusang maglilinis ng eskwelahan ang mga magulang ng mga batang mag-aaral na “bully” o nananakit sa kanilang kaklase. 

Ayon sa isinagawang pagdinig ng Committee on Basic Education sa Senado nitong Lunes, Marso 16, 2026, nauna munang sabihin ni Sen. Bam Aquino na may nabasa raw siya sa social media tungkol sa suhestiyon ng netizens na bigyang parusa ang magulang ng mga batang bully. 

“May nag-suggest online na baka daw ‘yong magulang, kailangan na rin i-penalize kapag ‘yong mga anak [ay] bully. Hindi ko alam kung pabor po kayo doon pero may nagsabi e, ‘dapat ‘yong magulang, kasama dito sa ipe-penalize,’” pagbabahagi ni Aquino. 

Dagdag pa niya, “Hindi mo naman puwedeng i-suspend o i-expelled ‘yong mga magulang pero… it’s a shared responsibility of everybody may nakikita po tayong ganito.” 

Agad namang sinang-ayunan ni Tulfo ang kapuwa si Aquino at iminungkahi niyang maglinis o tumayo bilang janitor ng paaralan ang magulang ng mga nananakit na bata. 

National

Sen. Ping, planong pigain si Zaldy Co!

“Tama ka, Mr. Chair. Dapat may parusa sa mga magulang. When I say ‘parusa’ siguro sila [ang] maging janitor sa school. Sila [ang] maglinis sa school,” pagsisimula niya. 

Saad pa niya, “sila ang gagawa ng kung ano-anong mga projects sa school.” 

Ani Tulfo, para raw matutunang mapigilan o parusahan din ng mga magulang ang anak nilang bully. 

“Itong mga magulang na ‘yong mga anak nila na hindi nila kayang pigilan at nambu-bully palagi. So para pag-uwi ng bahay, ‘yong magulang, papagalitan ‘yong anak nilang ma-bully. Paparusahan nila.” ‘ika niya. 

“For me it will work,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang kamakailang nagdulot ng pagkabahala sa publiko ang kumalat na video na nagpapakita ng marahas na pambu-bully sa isang mag-aaral sa loob mismo ng kanilang silid-aralan sa Quinarayan Elementary School sa Narvacan, Ilocos Sur. 

Sa naturang video, makikitang napapalibutan ng ilang kaklase ang biktima habang siya ay nakaupo at hawak ang kaniyang mga gamit. 

Isang babaeng mag-aaral ang lumapit at itinulak siya hanggang mapasiksik sa may pisara, habang ang ilan pang mag-aaral ay kumukuha lamang ng video sa halip na umawat.

Sa sumunod na bahagi ng video, makikitang nakayuko at nakapulupot ang mga braso ng biktima sa kaniyang ulo habang siya ay umiiyak at tila nagtatangkang protektahan ang sarili. May pagkakataon ding tila hinila siya sa ulo o buhok at may isang lalaking mag-aaral na sinipa siya habang nakaupo sa armchair.

Wala ring nakitang guro o nakatatandang umawat sa insidente habang nagaganap ito sa loob ng classroom.

KAUGNAY NA BALITA: Estudyanteng babae, pinagtulungang sipain at suntukin sa loob ng classroom!

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: May batas ba ang Pilipinas laban sa bullying?