Magbibigay na ang China ng donasyon na 500,000 doses ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ng Malacañang nitong Sabado bilang pagpapatibay ng dalawang bansa sa kanilang ugnayan at kooperasyon laban sa pandemya.

Isinapubliko ito ng Office of the President (OP) matapos mag-coutesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte si Chinese State Councilor and Foreign Affairs Minister Wang Yi, sa Malacañang, kamakalawa.

Sinabi ng Malacañang na tiniyak sa kanila ni Wang ang pangakong suporta ng China sa Pilipinas sa paglaban sa COVID-19, ang sakit na nagsimula sa Wuhan, China.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“He (Wang) announced that China will donate 500,000 doses of COVID-19 vaccine to the Philippines. He likewise affirmed China’s resolve to do everything to ensure that vaccines become a global good,” ayon sa Malacañang.

Nilinaw ni Duterte na dapat ay mapatatag ang pagtutulungan para sa kalusugan ng publiko, partikular na ang ligtas at epektibong bakuna upang maprotektahan ang kalusugan ng taumbayan at upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng dalawang bansa at ng mga karatig na bansa.

“The recovery of nations… sits on the back of stronger economies. China plays a very key role in reviving our region’s economy. Let us do all we can to revive economic activities between the Philippines and China,” pahayag ni Duterte kay Wang.

-Argyll Cyrus Geducos