NANGIBABAW ang galing at katatagan ng Pangalusian Island laban sa 12 matitikas na karibal para tanghaling kampeon sa Philippine Racing Commission Presidential Gold Cup nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park (SLLP) sa Carmona, Cavite.

horse racing

Mula sa pagiging runner-up kay SuperSonic sa nakalipas na taon, umatake nang matindi ang Pangalusian Island at inungusan ang Super Swerte sa huling 10 metro upang angkinin ang tagumpay sa pagkakataong ito na may katumbas na P1.8 milyon para sa may-ari na si Wilbert Tan.

“Talagang pang-remate siya,” sambit ni Tan. “ Sabi ko, alalay lang sa trangko, pabibo lang sa huling kwartos, tapos ‘yung pagdadala, hindi sya dapat maipwesto agad sa paglundag. Pipigilin, tapos magpapalakas lang. Kasi kapag naipuwesto siya agad, nag-aayaw siya.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinegundahan ito ni Jockey Mark Alvarez.

“De-remate talaga s’ya. So, pinag-basehan ko ‘yung mga laban kanina, puro naman may speed ‘yung kalaban kaya sigurado na sa last ako manggagaling. ‘Yung experience ng kabayo ko na batak na siya. Kumbaga, husay na siya sa mabibigat na laban kumpara doon sa mga iba kong kalaban ngayon. ‘Yun lang naman po talaga ang tsansa ko dito. Hayun, nabigyan ako ng pagkakataon para maipakita ‘yung experience ng kabayo ko,” ayon kay Alvarez, nakamit ang ikalawang Presidential Gold Cup trophy mula nang gabayan ang Low Profile noong 2016 edition.

Iniuwi din ni Tan ang magandang Philippine Charity Sweepstakes Office-donated Presidential Gold Cup trophy, na tinagurian ni Philracom Chairman Reli de Leon na “ultimate dream of every horseowner.”

Ang Super Swerte, na pag aari ni Leonardo Javier, ay nagtamo ng P675,000 sa ikalawang puwesto, samantalang ang pangatlo na Wonderland (jockey PR Dilema), ay tumanggap naman ng P375,000 para sa may-ari na Ken Logistics Forwarding. Ang pang-apat na Boss Emong (jockey MM Gonzales) ay sumungkit ng P150,000 para sa may-ari na si Edward Vincent Diokno.

Lahat ng premyo ay nagmula sa Philracom.

“I’m very thankful that there’s a big support from the racing public and of course from the racing community. We’re looking forward to bigger stakes races in the future or next year. Horse racing is still alive and I’m very thankful for that,” ani Philracom chairman De Leon.

Tumakbo ang Pangalusian Island, mula sa lahi ng Chancellor (USA) at Dimples (AUS), sa bilis na 2:08.8, na may quartertimes na 24, 24, 26, 26 and 28.