“Nang oras na magbobotohan na hinggil sa pagbabago ng prangkisa, nadiskubre ng aking legal team na mayroon akong personal at pecuniary interest dahil mayroon akong nakabimbin na kontrata sa isa sa mga departamento ng network na kailangan kong panindigan. Ayon sa kanila na kung ako ay makikinabang sa botohan, hindi ako dapat makilahok. Kailangan ay hindi ako sumali sanhi ng delicadaza. Kung hindi, ito ay unethical at baka ako ay matanggal sa aking tungkulin bilang Congressman,” wika ni Congressman Alfred Vargas ng Quezon City hinggil sa kanyang kontrobersyal na posisyon sa kaso ng ABS-CBN franchise renewal. Ito ang kanyang paliwanag na kalalabas lang sa isang pahayagan kaugnay sa pagtataguyod ng kanyang pelikulang “Tagpuan” kung saan siya ang gumaganap na bida. Kalahok ito sa 46th Metro Manila Film Festival. Fake news, aniya, ang sinasabi ng iba na siya hindi bumoto. Kasi, magkaiba ang hindi bumoto at hindi lumahok sa botohan.
Mukhang hindi makawala si Cong. Vargas sa kanyang ginawa sa ABS-CBN franchise renewal case. Ang kasong ito ay isinalang noon sa pagdinig ng House Committee on franchise upang bigyan ng pagkakataon, ayon kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, ang giant network na ibigay ang kanyang panig. Matagal na inupuan ng Kongreso ang application nito para sa pagbabago ng kanyang prangkisa na magwawakas noong Mayo 2019. Nagsugal ang ABS-CBN at lumahok sa pagdinig nang malapit nang mapaso ang kanyang prangkisa. Naniwala ito kay Cayetano na bibigyan ng parehas na pagkakataon. Nauna kasi rito, dalawang beses na narinig si Pangulong Duterte na hindi na mabibigyan ng bagong prangkisa ang network.
Minumulto ng ABS-CBN ang Kongresista, pero hindi ng taumbayan. Maaga pa para makalimutan ng mamamayan ang kanyang ginawa. Ang kanyang palusot ay hindi siya lumahok sa botohan nang malaman umano ng kanyang legal team na may isyung conflict of interes na ikasasabit niya. Na kapag bumoto siya ay maaakusahan siya ng paglabag sa mabuting asal na maging sanhi ng kanyang pagkatanggol sa serbisyo. Hindi isyu ito ng conflict of interest, isyu ito ng katapangan at paninindigan. Ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN ay hindi lang laban ng network, kundi laban ng taumbayan. Laban nila para sa kanilang kalayaan sa pamamahayag. Kaya, iyong katwiran ng Congressman ng hindi niya paglahok sa botohan ay pinangibabaw niya ang kanyang sariling kapakanan kaysa ang sa bayan. Isa pa, kung totoong may isyung conflict of interest na maibabato laban sa kanya, noon pa ay nalaman na niya ng maaga. Mahaba rin ang panahon na nagkaroon ng pagdinig ang komite bago nagbotohan, hindi ba sapat ito para niya mabatid ang ikinakatwiran niyang conflict of interest upang noon pa lang ay umatras na siya sa pagiging miyembro nito? Ang kapangyarihan magbigay ng prangkisa ay ipinagkaloob ng Saligang Batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil ang kasapian nito ay mga kongresistang kumakatawan ng iba’t ibang bahagi ng bansa. Na sila ang higit na representante ng mamamayan. Sa hindi paglahok ni Vargas sa botohan hinggil sa pagbabago ng prangkisa ng ABS-CBN, ipinagkait niya sa mamamayan ng 5th district ng Quezon City ang kapangyarihan o karapatan nilang makialam sa isyung napakahalaga para sa kanila. Paano kung iboycott nila ang itinataguyod niyang pelikulang “Tagpuan” para ipadama sa kanyang ang dose of his own medicine? Merry Xmas Congressman.
-Ric Valmonte